Wala pang rekomendasyon para sa 2nd booster sa mga may comorbidity – DOH

Wala pang rekomendasyon para sa 2nd booster sa mga may comorbidity – DOH

June 3, 2022 @ 5:30 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Hindi pa inirerekomenda ang pagtuturok ng second booster shot laban sa COVID-19 sa mga indibidwal na may comorbidities at iba pang sektor, iginiit ng Department of Health (DOH).

Binigyang-diin ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na sa ilalim ng emergency use authorization, ang second booster shots ay para lamang sa mga senior citizen, healthcare workers, at immunocompromised na indibidwal.

Ayon kay Vergeire, wala pang nakukuhang rekomendasyon para mabigyan pa ang ibang sektor Ng populasyon katulad ng mga immunocompromised individuals.

“And also dito sa ating mga experts also wala pa rin naman po. Ang gusto po ng ating mga experts further studies so that we can have completed evidence if really we can give the second boosters to the other sectors,” sabi pa ni Vergeire sa media briefing.

Inilabas ni Vergeire ang pahayag matapos magpahayag ng pag-asa ang isang eksperto sa nakakahawang sakit na ang saklaw ng pangalawang booster ay mapapalawak sa mga indibidwal na may mga komorbididad.

Gayunpaman, sinabi ni Vergeire na dapat tumutok ang bansa sa pagbibigay ng unang booster.

“Kasi kapag tinignan ho natin. Out of the eligible 50 plus million.. 15% pa lang po ang nakakareceive ng ating first booster shot,” ayon kay Vergeire.

Pahayag pa nito, na ang Region III, Calabarzon, Region V, Region VII, at ang Bangsamoro Region ay may mababang vaccination rates. Jocelyn Tabangcura-Domenden