WALANG CONTINUITY KUNG WALANG UNITY

WALANG CONTINUITY KUNG WALANG UNITY

March 29, 2022 @ 7:33 AM 3 months ago


PABOR si dating Chief Presidential Legal Counsel at Malacanang Spokesperson Salvador “Sal” Panelo sa endorsement ng kanyang partidong PDP-Laban kay Presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Hindi na nabigla si Panelo sa pag-endorso ng PDP-Laban sa kandidatura ni Bongbong Marcos bilang Presidente dahil kagaya ng palagi niyang sinasabi, si BBM lang ang tanging kandidato na hindi bumabatikos sa Duterte administration para lang makakuha ng boto.

Ayon pa sa PDP-Laban senatorial candidate, ang panawagan ni Marcos, Jr. para sa “unity” ay tinatangkilik ng tao dahil sawa na sila sa bangayan.

Ayon kay Panelo, ‘yung paninira ng ibang kandidato ay sadyang hindi makatutulong sa bansa, lalo’t bumabangon pa lang tayo mula sa epekto ng pandemya.

Higit sa lahat, nais ni BBM na ituloy ang mga repormang nagawa ni President Rodrigo Roa Duterte habang ‘yung iba eh, panay ang puna kahit napakaepektibo ng pamumuno ni Pang. Duterte.

Binatikos naman ni Panelo ang pagtutol ni Senator Koko Pimentel sa pag-endorso ng PDP-Laban kay Marcos, Jr.

Giit ng dating Chief Presidential Legal Counsel, napakaipokrito ng dating ni Koko.

E hindi ba’t sinuportahan ng partido sa ilalim noon ni Pimentel ang kandidatura ni PRRD na nagpahayag dati pa man ng paghanga kay dating Pang. Ferdinand Marcos Sr. at nangakong ililibing ito sa Libingan ng mga Bayani.

Ayon sa mahusay na abogado, relevant lang naman ang PDP-Laban ngayon dahil kay PRRD na niyakap at iniluklok ng taumbayan. Kaya aniya, ang PDP Laban, dapat iginagalang ang boses ng taongbayan.

Nagsalita na po sila at para sa kanila, malinaw na si BBM ang dapat sumunod kay PRRD bilang Pangulo ng bansa.

“Narinig na namin ang sigaw ng taumbayan kaya dapat lang na si BBM ang suportahan ng partido,” paliwanag ni Panelo.

Ayon kay Panelo, ang PDP Laban endorsement ang siyang magsisigo ng panalo ni BBM at ni Inday Sara Duterte sa halalan, na siyang magbibigay daan para mapagpatuloy ang mga reporma ni PRRD.

“Kaya nanawagan tayo sa lahat ng mga humahanga kay PRRD, magkaisa tayo para kay BBM at Inday Sara sa Mayo 9. Kung walang ‘unity,” walang ‘continuity!’” ang pahayag ni Panelo.

o0o

May ilang nagsasabi na hindi pa raw ineendorso ni PRRD si BBM kahit nagkausap na ang dalawa na sinundan ng pormal na pagsuporta ng PDP-Laban Alfonso Cusi wing sa kandidatura ni Marcos, Jr.

Ay, mga bopol! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?

Sino ba naman si Duterte sa nasabing partido? Hindi naman siguro babastusin nina Cusi ang Pangulo na ieendorso si BBM nang hindi nalalaman ng Chief Executive?

At saka, hindi naman siguro tuturuan ng diskarte ni PRRD si BBM kung papaano patatakbuhin ang bansa kung hindi naniniwala ang Pangulo sa kakayahan ni Bongbong?