Walang dagdag sa honoraria sa 2023 barangay, SK polls – Comelec

Walang dagdag sa honoraria sa 2023 barangay, SK polls – Comelec

January 22, 2023 @ 9:57 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Walang pagtaas ng honoraria para sa mga guro na magsisilbing electoral board members para sa 2023 Barangay at Sangguniang Kabataang Elections (BSKE), sinabi ni Comelec Chairman George Garcia.

Paliwanag ng poll chief, hindi nabigyan ng karagdagang budget para sa pagtaas ng honoraria ng mga guro dahil sa non-exemption nito sa buwis.

“Sana po kasi ay aming dadagdagan, ipapakiusap na dadagdagan po ang makukha na honoraria ng ating mga guro subalit dahil nga po sa kakulangan ng budget ay minarapat po natin na i-fix na lang po ang kanilang matatanggap,” ani Garcia.

Aniya, ang Electoral Board chairman ay tatanggap ng P6,000 at P5,000 para sa mga miyembro ng Electoral Board habang P4,000 para sa mga precinct workers

Noong 2022, binigyan ang Comelec ng P8.4 bilyon para sa ipinagpaliban na botohan noong Disyembre 2022.

Sinabi ni Garcia na humahanap ng pamamaraan ang Comelec upang mas makatulong sa mga guro na magtatrabaho mula umaga hanggang gabi dahil mano-mano aniya ang bilangan ng balota.

Maaari aniyang mangailangan sila ng dagdag na P2.7 bilyon hanggang P3 bilyon pondo para sa 2023 kung magrerehistro ang Comelec ng mahigit isang milyong bagong botante para sa 2023 BSKE.

Nitong Enero 13, umabot na sa 1.024 milyong bagong botante ang nakapagparehistro na. Jocelyn Tabangcura-Domenden