WALANG EME-EMERGENCY SA  NO CONTACT APPREHENSION

WALANG EME-EMERGENCY SA  NO CONTACT APPREHENSION

August 16, 2022 @ 3:00 PM 1 month ago


NAKATATAKOT ang pagpapairal ngayon ng no contact apprehension policy ng mga local na pamahalaan.

Kabilang sa mga mapeperwisyo ang mga takbong emergency gaya ng sa mga bumbero, ambulansya, pulis at pribadong may dalang pang-emergency.

Napakamamahal kasi ang mga sinisingil na multa ng mga local government unit sa bawat umano’y paglabag na mairerekord ng mga kamera na nakakalat sa mga kalsada.

Pinakamababa ang P1,500 at may umaabot sa P2,500-P3,000.

At ang masama pa, walang paraan para kwestiyunin ng mga tsuper o may-ari ng mga sasakyan ang paghuli sa kanila sa kamera at ang pagbabayad ng multa ang tanging magagawa nila.

Hindi naman konswelo ang paniningil sa multa sa panahon ng pagrerehistro ng isang sasakyan.

ANG MGA EMERGENCY

Maraming kalsada sa Metro Manila ang walang puwang para sa overtaking gaya ng matatagpuan sa mga superhighway.

Kaya naman, matatrapik at matatrapik ang mga pulis, bumbero, ambulansya at pribadong motorista na may sakay na pang-emergency.

Ngunit karaniwang nagkakaroon ng puwang ang mga kalsada kung magbigay-raan ang mga motorista.

Subalit kung sa pagbibigay ng daan sa emergency ay lalabag sa traffic light, gaya ng pagtakbo habang naka-red ang traffic light upang magkaroon ng butas sa daan, hindi na umano gagawin ng mga motorista.

Dahil tiyak na “traffic violation” ang sasapitin nila sa pagbibigay-raan, lalo na sa mga pribadong motorista na may itinatakbo sa mga ospital o nanghahabol ng mga kriminal.

‘Di bale na lang umanong hindi maligtas ang mga itinatakbo sa mga ospital, sinasaklolohan sa mga sunog at kalamidad at nirerespondehan ng mga pulis kaysa sila ang maperwisyo.

Nakatatakot talaga ang mga pangyayaring ito na magiging bunga ng no-contact apprehension policy na nasimulan nang pairalin ng dumaraming LGU sa Metro Manila.

DEPEKTIBONG MGA TRAFFIC LIGHT

Napakarami ang mga depektibo o tila minamaniborang traffic light sa Metro Manila.

Sa Maynila lang, may dalawang traffic light na magkaiba ang kumpas sa go, slow at stop sa kanto ng Lopez Street at ——–.

Sa salupungan naman ng Del Monte Avenue, Mayon Avenue at Bonifacio Avenue, magkasabay na GO ang pakaliwa mula sa Bonifacio Avenue at ang galing sa Mayon Street na patungo naman sa Balintawak.

Marami rin ang halos walang Yellow light sa mga kalsada at nagpapalitan lamang ang Red o Stop at Green o Go gaya sa Lacson Avenue, sa may tindahan ng mga bulaklak sa Dangwa, lalo na kapag gabi na at tila minamaniobra ang traffic light dito.

Dahil din sa rami ng mga mababagal na kargado na truck, maraming sumusunod na sasakyan ang nahahagip ng mga kamera sa gitna ng mga salupungan.

Pinagmumulta ang lahat ng mga nasa ganitong sitwasyon at napakasaklap isipin na pinagbabayad ang lahat at walang karapatang kumontra ang mga hinuhuli ng kamera ng mga LGU.

Dapat ikonsidera ng mga LGU ang mga kalagayang nabanggit at hindi lang ang kita nila sa napakalalaking multa ang kanilang iisipin.