Walang face mask, nakapkapan ng droga; Top 4 drug personality pala

Walang face mask, nakapkapan ng droga; Top 4 drug personality pala

February 24, 2022 @ 2:45 PM 4 months ago


MANILA, Philippines – Kung hindi pa sa hindi pagsusuot ng face mask ay hindi pa marahil madadakip ang pang-apat sa talaan ng most wanted drug personalities ng Valenzuela City.

Matapos kasi na masita siya dahil sa walang suot na face mask ay nakuhanan naman siya ng awtoridad ng hinihinalang shabu at baril matapos subukang takasan ang mga parak na sumita sa kanyang paglabag sa ordinansa.

Haharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, Comprehensive Law on Firearms and Ammunition at Commission on Elections gun ban si Jonathan Bolo, 27, ng Coloong 2, Valenzuela.

Alas-12:30 Miyerkoles ng madaling araw, nagsasagawa ng Oplan Galugad ang mga pulis at tanod sa A. Mendoza St., Brgy., Malanday nang maispatan ang suspek na walang face mask, na malinaw na paglabag sa ordinansa sa lungsod, at nang sitahin ay kumaripas na ito kaya’t hinabol at dinakip.

Nang kapkapan ay nakuha kay Bolo ang isang sachet ng shabu na P3,400 ang presyo, improvised home made gun, dalawang bala ng cal. 38, dalawang cellphones, disposable lighter, P200 bill at coin purse kaya’t binitbit siya sa presinto. Merly Iral