Walang ‘foul play’ sa pagkamatay ni Nuezca- BuCor

Walang ‘foul play’ sa pagkamatay ni Nuezca- BuCor

December 6, 2021 @ 4:12 PM 10 months ago


MANILA, Philippines- Iginiit ng Bureau of Corrections nitong Lunes na wala umanong foul play sa pagkamatay ng dating pulis na si Jonel Nuezca, ang pinakabagong high-profile na presong naiulat na nasawi sa loob ng New Bilibid Prison.

Naniniwala ang BuCor na cardiac arrest ang ikinamatay ni Nuezca, ayon sa tagapagsalita ng bureau na si Gabriel Chaclag. 

“Doon po sa nagtatanong kung may foul play po ito, doon sa initial investigation po natin… talaga naman pong natural cause ang itinuturo ng kaniyang pagkamatay,” aniya sa isang public briefing. 

“Wala naman pong nakitang kaaway. Wala pong suspicious na incidents before he was brought to the hospital at iyong initial po na medical examination, physical examination ng mga attending doctors, wala po silang nakitang signs of violence,” dagdag ni Chaclag.  

Inaasahan ng BuCor ang resulta ng autopsy ni Nuezca mula sa National Bureau of Investigation sa linggong ito.

Matatandaang Disyembre noong isang taon nang barilin at mapatay ng noo’y staff sergeant na si Nuezca ang kanyang mga kapitbahay na sina Sonia Gregorio at kanyang anak na si Frank Anthony matapos magkairingan ukol sa “boga.” Nakuhanan naman ito ng video at naging viral.

Ilang drug lords ang naiulat na namatay sa loob ng Bilibid simula noong magkaroon ng pandemya, kabilang si Jaybee Sebastian, na nag-akusa kay Sen. Leila de Lima bilang mastermind sa bentahan ng droga sa loob ng national penitentiary.

Noong Mayo, pumanaw din si Ruben Ecleo Jr. sanhi ng cardiopulmonary arrest sa NBP Hospital. RNT/SA