WALANG HISTORICAL REVISIONISM

WALANG HISTORICAL REVISIONISM

March 7, 2023 @ 12:33 AM 3 weeks ago


NATATANDAAN ko noong kasagsagan ng kampanyahang pampanguluhan 2022, isa sa pinapangambahan ng anti-Marcos groups ay kapag nanalo raw ang tambalang Bongbong-Sara ay malamang na magkaroon ng historical revisionism.

Diumano ay babaguhin daw ang kasaysayan ng bansa sa panahon ng Batas Militar hanggang sa EDSA People Power Revolution na palalabasin daw na mali ang naganap na EDSA Revolution.

Datapwa’t nang manalo at maupo si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Romualdez Marcos Jr. ay kaagad din niyang inanunsyo na ang kanyang nagwagi ring Pangalawang Pangulong Inday Sara Duterte-Carpio ang itinalaga niyang Secretary ng Department of Education bilang paalala na walang mangyayaring historical revisionism mula sa mga aklat, aralin, kurikulum o edukasyon sa bansa.

Ilang beses ding nasabi ng Pangulong Marcos na siya ay nanalo hindi para balikan ang nakaraan kundi para harapin ang kasalukuyan at ang bukas ng bansa sa ngalan ng paglilingkod sa bayan para sa kaayusan, kapayapaan at kaunlaran ng Pilipinas.

Natatandaan ko rin noong namatay si dating Pangulong Corazon “Cory” Aquino ay personal pang nakiramay ang magkakapatid na Marcos sa magkakapatid na Aquino sa Manila Cathedral.

Personal kong napansin na walang ugali ng mapaghiganti ang Pangulong Bongbong sa mga nakaraang pag-aakalas noon laban sa kanilang pamilya.

Sa halip ay patuloy niyang kinilala para manatiling holiday sa ilalim ng kanyang administrasyon ang Pebrero 25 na EDSA People Power Revolution na nagpatalsik sa kanyang ama sa estado ng kapangyarihang pampulitika sa bansa na si dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos, Sr.

Katunayan nagpalabas agad si PBBM ng Proclamation No. 167 noong gabi ng Huwebes, Pebrero 23, upang ang Biyernes, Pebrero 24 ay maging Special (Non-Working) Day na rin kahit na ang araw ng EDSA Revolution anniversary ay sa Sabado , Pebrero 25 pa.

Maging ang August 21 o mas kilala bilang Ninoy Aquino Day dahil sa pinaslang na dating oposisyon senator na naging matinding kritiko ng kanyang ama, ito ay mananatiling kikilalaning holiday sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Walang binago sa ilang makasaysayang araw sa bansa gaya ng pagkamatay ni Ninoy at gaya ng EDSA Revolution, sa halip ay patuloy na inirespeto at kinilala ng administrasyong Marcos ngayon ang kahalagahan ng mga kaganapang ito.

Salamat Pangulong Bongbong Marcos, Mabuhay po kayo.