WALANG HUMPAY NA MALASAKIT SA CAGAYAN AT ISABELA

WALANG HUMPAY NA MALASAKIT SA CAGAYAN AT ISABELA

November 22, 2020 @ 12:10 AM 1 week ago

  •  
  •  
  •  

TALAGA namang malawak ang naging pinsala ng lampas-taong pagbaha na nagpalubog sa 22 out of 28 municipalities at maging ang Tuguegarao City sa Cagayan at ang 19 out of 31 towns ng Isabela kabilang ang mga lungsod ng Ilagan at Cauayan na dulto ng bagyong Ulysses.

Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, nasa 84,076 (312,071 indibidwal) at 71,337 (284,218) pamilya ang naapektuhan sa Cagayan at Isabela buhat sa 5,951 barangays.

Kaagad na sumaklolo ang Philippine Charity Sweepstakes Office. Sa pangunguna mismo ni vice chairperson at general manager Royina Garma ay tumulak ang first batch ng relief assistance team patungong Cagayan.

Namahagi ng groceries, diapers at medisina ang charitable corporate agency sa Barangay Lanna at Magalalag sa bayan ng Enrile, sa Barangay Sassun at Malacabibi sa Solana at sa Tuguegarao City.

Naghatid din ng tulong ang PCSO Team sa bayan ng Tumauini, Barangay Baligatan, Ilagan City at ang Barangay Turayong, Cauayan City sa Isabela.

Nakapapagod ang mahabang biyahe patungo sa Hilagang Luzon, mula sa Maynila ay aabutin ito ng mula 12 oras hanggang 15 oras, pero hindi ito inalintana ng mga kawani ng PCSO.

Aminado ang mga nakausap kong empleyado na nakapanlulumo at nakapanghihina ang kalagayan ng ating mga kababayang Cagayanos at Isabelinos na wala talagang naisalba sa kanilang mga ari-arian maliban sa damit na kanilang suot-suot sa pagragasa ng baha.

Pero ang pagod at kalungkutan ay napalitan ng karagdagang enerhiya dahil alam nilang pag-asa ang hatid ng kanilang pagtungo sa mga nasalantang lugar. Walang puwang ang panghihina ng kalooban at awa dahil ang higit na kailangan ng ating mga kababayang Ilokano ay pagdamay, pakikiisa at malasakit.

Pero hindi dito nagtatapos ang sinimulang gawain ng ahensya. Nito lamang Biyernes ng gabi, November 20, 2020, ay bumiyahe na patungong Isabela ang isa pang relief assistance team na may dalang panibagong tulong.

Lubhang marami ang nangangailangan ng tulong sa Cagayan Valley Region na umabot na sa 158,111 pamilya ang nasira ang mga bahay at nawalan ng kabuhayan o katumbas ng 607,942 indibidwal.

Malaking dagok talaga sa Cagayan at Isabela ang nangyaring pagbaha. Ang pinsala sa agrikultura ay nasa P257.7 million habang sa imprastraktura ay nasa P2.03 billion ang nasira.

Sa totoo lang, ang hirap magsimulang muli lalo pa’t patuloy pa rin nating nararanasan ang lupit ng coronavirus disease 2019.

Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ay sinimulan ng PCSO ang paglalaan ng pondo bilang Calamity Assistance Program na nagpapaabot ng kagyat na tulong sa mga nabibiktima ng anumang kalamidad at trahedya tulad ng sunog at pagbaha. Sa panayam natin kay Ms. Jerusa Corpuz, officer-in-charge ng Charity Assistance Department na maglalaan din ng pinansyal na tulong ang ahensya sa mga bayang napinsala.

Paglilinaw lamang, habang nag-aabot ng tulong sa Cagayan at Isabela ang PCSO Team, patuloy pa rin ang pagtulong nito sa mga nakaranas ng ngitngit ni super typhoon Rolly, ang pinakamalakas na bagyo sa buong mundo ngayong taong 2020, na humagupit sa Catanduanes, Albay, iba pang lalawigan ng Bicol region at Southern Tagalog Region at ang binahang lugar sa National Capital Region.

Tiyak na umaapaw sa pasasalamat ang mga kababayan natin mula sa Cagayan at Isabela dahil sa malasakit na ipinaabot ng PCSO.

Hinding-hindi nakalilimot ang puso ng mga natulungan sa panahon ng ibayong pangangailangan.

Tunay na ang PCSO ay walang humpay sa paghahatid ng kalinga at malasakit sa mga nasa bulnerableng sektor ng ating lipunan.


  •  
  •  
  •  

Loading...