Walang isyu sa 47% ratio – Comelec, Namfrel, PPCRV, OCTA

Walang isyu sa 47% ratio – Comelec, Namfrel, PPCRV, OCTA

May 11, 2022 @ 7:44 AM 2 weeks ago


MANIL,A Philippines – Walang nakikitang iregularidad ang Commission on Elections (Comelec), OCTA Research Group at dalawang election watchdog sa pare-parehong 47 percent ratio sa pagitan ng mga boto ng mga kandidato sa pagkapangulo na sina dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Bise Presidente Leni Robredo.

Lunes, Mayo 9, habang nagbibilangan ng boto, napansin kasi ng ilang netizens na ang agwat sa pagitan ng mga boto nina Marcos Jr. at Robredo na nakalap mula sa iba’t ibang lalawigan mula 8:02 p.m. hanggang 9:32 p.m. ay nasa 47 porsiyento lahat.

Ikinaalarma naman ito ng ilang grupo kabilang na ang  Chamber of Commerce of the Philippine Islands (CCPI).

“If you look at how the figures are coming in, eh very clear naman that there’s something wrong. It’s not statistically possible na consistent 47 percent, na bawat presinto, 47 percent. Ano ba naman ‘yan? That cannot happen,” ani CCPI president Jose Luis Yulo.

Iginiit ng CCPI chief na dapat tugunan ng Comelec ang isyu.

Ang Comelec, gayunpaman, ay itinanggi ang mga alegasyon ng diumano’y electoral fraud at sinabing mahirap patunayan na mayroong dayaan sa 2022 national at local elections gamit lamang ang nasabing porsyento.

“Mahirap i-prove ‘yan ‘pag sinabi mong may cheating with regards to that percentage. …Unang-una yung system natin dumaan yan sa ating certification so meron tayong local source code review. How can you insert such percentage na ipanalo mo yung kandidato mo o matalo yung kandidato mo?” ani Commissioner Marlon Casquejo.

Ipinaliwanag din ng opisyal ng Comelec na ang consistent margin ay “statistics probable” dahil ang mga transmission ay hindi natanggap ng Comelec bawat rehiyon, kundi mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

“If they will insist then pwede naman nating i-check yung each election returns yung each province,” aniya pa.

Ipinaliwanag naman ni Guido David ng OCTA Research Group na ang pag-uulat ng data ay maaaring nakaimpluwensya sa pagkakaiba sa pagitan ng mga numero.

“Itong probinsya magii-iba talaga yung patterns ng numbers so ito, may consistency kasi sabay-sabay silang pumapasok from parts of the country and dahil sabay-sabay silang pumapasok, more or less yung distribution nya is the same,” giit pa ni David.

Sa bahagi nito, sinabi ng church-based poll watchdog na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na hindi ito naalarma sa mga ulat ngunit tiniyak na titingnan nito ang usapin.

“Ngayon ang aming IT team ay nakikipag-coordinate sa Comelec. Talagang ipinaalam na namin ang aming kahilingan sa Comelec na humiling ng tinatawag nilang system logs sa server. Dun natin makikita and to verify din po if there any anomaly,” ani PPCRV spokesman Van dela Cruz.

Sinang-ayunan din ng National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL) ang sinabi ng PPCRV, at sinabing ang mga resulta ay “consistent” sa mga survey bago ang halalan.

“It’s consistent with whatever people say about certain places. It’s consistent with what the survey findings are,” ani NAMFREL secretary-general Eric Alvia. RNT