WALANG KADUDA-DUDA

WALANG KADUDA-DUDA

August 23, 2021 @ 4:26 PM 10 months ago


NAKAGIGIGIL itong mga balita tungkol sa report ng Commission on Audit na sumabog nito lang mga nakaraang araw.
Hindi biro ang pinag-uusapan nating kaperahan dito. Bilyones na mga piso po ang binabanggit sa mga report.

Ayon sa mga balita, mahigit Php 67 bilyong piso ang misused (maling gamit) o unused (hindi nagamit) na pondo ng Dept. of Health (DOH). Sa Dept. of Agriculture (DA), nasa Php 9.8 bilyong piso naman ang unobligated funds (hindi naobligang pondo), palpak na bidding o kwestyunableng mga listahan ng mga magsasakang benepisyaryo.

Idagdag mo pa rito ang nakapagtatakang ginastos ng OWWA sa overpriced na sanitary napkins, ang mga donasyong laptop at gadgets ng DICT sa lungsod ng San Juan at ang infinity swimming pool para sa isang opisina ng Philippine Ports Authority.

Nakagagalit isipin na sa panahong ito ng pandemya na kailangang-kailangan ng mga ordinaryo na tao ang ayuda at serbisyo ng gobyerno, ang kakapal naman talaga ng ilang opisyal na mukhang pinagkakitaan ang kahirapan ng mas nakararami.

Dapat managot ang mga pinuno ng DOH, DA, DICT at DoTR.

Walang excuse para sa ganitong kapabayaan. Bagama’t malinaw na sinasabi ng COA na hindi ebidensya ng katiwalian ang report nila, bilyong piso pa rin ang nawawala, hindi maipaliwanag, mali ang pagkakagastos at malamang ay nasayang.

Napakalaki ng utang na loob natin sa mga medical frontliner sa kabayanihan nila sa pandemyang ito.

Tapos ang isusukli ng DOH sa kanila ay palpak na paggamit ng pondo ng bayan?

Akala ko ba walang lugar ang korapsyon sa gobyernong ito?

Pero malinaw, meron.

Mabuhay ang COA sa kanilang tapat at matapang na pagganap ng kanilang sinumpaang tungkulin at trabaho.

Walang kaduda-duda, na dapat may sibakan nang magaganap dito at kung wala naman at para hindi kahiya-hiya pwede namang magkusang loob ng umalis na sa pwesto.