WALANG KILING NA PATAKARAN

WALANG KILING NA PATAKARAN

January 21, 2022 @ 5:43 PM 8 months ago


KALIWA’T kanang batikos ang inaani ng gobyerno sa pag-amin ni Public Attorneys Office Chief Persida Acosta na hindi pa pala ito bakunado laban sa covid-19.

Malaking sampal nga naman sa administrasyon ang hindi pagpapaturok ni Acosta samantalang nagkakandarapa ang sambayanan na sumunod sa kautusan ni Pangulong Duterte na huwag pahintulutang lumabas ng bahay ang ‘di bakunado.

Paano ngayon ipapaliwanag ng gobyerno sa taumbayan ang hindi pagpayag nito na isakay sa MRT ang 1,700 na ordinaryong commuters dahil walang maiprisintang vaccination card kung ang itinuturing na isa sa pinakasigang abogado ng bansa ay hindi pala bakunado?

Unawa natin na karapatan din naman ng PAO Chief ang hindi magpabakuna dahil mas kabisado nito ang batas na walang pilitan kahit pa kailangan talagang ipatupad ngayon ang mass vaccination sa gitna ng kasimbilis ng kidlat na                    hawaan ng covid-19 kahit saan.

Mas lalong maiintindihan ng mamamayan na ang edad at karamdaman ni Acosta ang hadlang sa kanyang desisyon na hindi magpaturok subalit sa palagay niyo ba makukumbinsi pa ng gobyernong sumunod sa programang ito ang ilan pang ayaw magpabakuna samantalang may mataas na opisyal pa palang hindi nakikiisa sa panawagang ito para matapos na ang pananalasa ng sakit na ‘yan?

Sa totoo lang,napapaloob sa kapangyarihan ng estado ang utos ni Pangulong Duterte na hindi pahintulutang gumala ang unvaccinated bunsod sa layunin din naman nito na mapangalagaan ang kalusugan ng bawat isa kahit pa inuulan ito ng batikos na kesyo paglabag sa karapatan ng sambayanan.

Sa akin, hayaan na natin ang oposisyon na kontrahin ang programa dahil simula’t sapul trabaho na nila ‘yan subalit nag-karoon lang ng kuwestiyon nang aminin ni Acosta ang hindi pagpabakuna at nawalan ng moral ascendancy ang gobyerno sa paghikayat sa mga Pinoy na magpabakuna.

Sana hindi maging balakid sa mamamayan na tumalima sa programang ito ang kontrobersya ng PAO Chief.