WALANG KRIMEN KAPAG WALANG BATAS NA NAGPAPARUSA RITO

WALANG KRIMEN KAPAG WALANG BATAS NA NAGPAPARUSA RITO

November 11, 2022 @ 1:07 AM 3 weeks ago


“… [C]rime… is as universal as science. Yesterday it was put on trial; today it determines the law.”   – Albert Camus

SA hurisdiksyon ng ating bansa, ang isang gawa o aksyon ay nagiging krimen o “criminal” lamang kung mayroong batas na partikular na nagpaparusa rito.

Ang prinsipyong ito ay tinatawag na legality principle-at nahahayag sa Latin maxim (o kasabihan) sa Criminal Law at International Criminal Law na “Nullum crimen nulla poena sine lege” (“Walang krimen kapag walang batas na nagpaparusa rito”). Kaya naman sa ating hurisdiksyon, isang legal requirement na ang isang krimen ay dapat may tiyak na definition o kahulugan, at katumbas na kaparusahan na ipinapataw lamang ng batas.

Bakit ito ang legal requirement? Dahil ang pagbibigay ng tiyak na definition o kahulugan sa bawat krimen ay isang mahalagang sangkap ng tamang proseso sa batas o “due process of law” (21 Am Jur 2d, p. 97). Ayon sa 21 Am Jur 2d: “The underlying principle is that all are entitled to be informed as to what the state commands or forbids and no one should be required, at peril of life, liberty, or property, to speculate as to the meaning of penal statutes.” (pp. 97-98)

Ang ating mga batas na pangkrimen (criminal statutes) ay binibigyan ng striktong interpretasyon. At ang isang gawa o aksyon ay matuturing lamang na krimen o “criminal” kung ito ay malinaw na inihahayag ng batas o statute. (US vs. Abad Santos, February 10, 1917)

Elements of the Crime

Ang mismong definition ng krimen ayon sa batas (statutory definition) ang pangkaraniwang nagbibigay ng tinatawag na “elements of the crime” o mga elemento ng krimen.

At ayon sa ating Korte Suprema, “[T]he elements in turn unravel the particular requisite acts of execution and accompanying criminal intent.” (Valenzuela vs. People of the Philippines, June 21, 2007)

  Sa lahat ng paglilitis sa kasong kriminal o criminal prosecutions, ang taga-usig o prosecution ang s’yang may pasan (burden) na patuna­yan-lampas sa makatwirang pagdududa (beyond reasonable doubt)-ang pagkakasala (guilt) ng isang akusado (accused). Katungkulan ng taga-usig na patunayan ang bawat isang elemento ng krimen na isinampa laban sa akusado upang mahatulan s’ya ng hukuman para sa nabanggit na krimen-o “any other crime necessarily included therein”. (Patula vs. People of the Philippines, April 11, 2012) Sa madaling salita, u­pang mapanatuyan at maita­tag ang pagkakasala o guilt ng nasasakdal o akusado, kailangan na “lahat” na mga elemento ng krimen na naisampa laban sa kanya ay mapatunayan (beyond reasonable doubt) ng taga-usig. Kaya naman kung kahit isang elemento ng krimen ay wala o hindi napatunayan ng taga-usig, hindi maaring masabing nagkasala ang nasasakdal.

Bilang halimbawa, ang elements o mga elemento ng krimeng “Arbitrary Detention” (Article 124, Revised Penal Code) ay ang mga sumusunod: (1) Ang offender ay isang public officer o emplo­yee; (2) Ikinulong ng offender ang isang tao; (3) Ang detention o pagkulong ay walang legal grounds o purposes (Astorga vs. People of the Philippines, October 1, 2003).

Samantalang ang krimeng “Intriguing Against Ho­nor” (Article 364, Revised Penal Code) ay may sumusu­nod na mga elemento: (1) Ang offender ay nagkakalat ng anumang intriga; at (2) Ang pangunahing pakay nito ay dungisan ang karangalan o reputasyon ng isang tao.

Constitutional Rights

Dapat mabigyang diin na ang ang karapatan ng isang akusado sa ilalim ng ating Konstitusyon na malaman ang katangian at dahilan (nature and cause) ng akusas­yon laban sa kanya ay nangangailangan ng isang sapat na Complaint or Information (“setting forth a specific allegation of every fact and circumstance necessary to constitute the crime charged”).

Ayon sa ating Korte Suprema, ang karapatang ito ay “deeply rooted in one’s constitutional rights to due process and the presumption of innocence”  (Villarba vs. Court of Appeals, June 15, 2020).