WALANG LIGTAS SA KAMAY NG KATARUNGAN

WALANG LIGTAS SA KAMAY NG KATARUNGAN

October 12, 2022 @ 4:46 PM 2 months ago


MAALALA pa ba ninyo ang judgment day na ginanap sa Camp Bagong Diwa sa Taguig laban sa mga akusado sa Ampatuan o Maguindanao Massacre?

Disyembre 19, 2020, nang igawad ang hatol na guilty sa ilang akusado sa masaker ni Judge Judge Jocelyn Solis-Reyes, presiding judge ng Branch 221 ng regional trial court sa Quezon City.

Nahatulang nagkasala noon sina Andal Ampatuan Jr at Zaldy na kapatid nito, kasama ang kamag-anak nilang sina Datu Anwar Sajid, Datu Anwar Jr, and Datu Anwar Sr.

Ginawaran sila ng parusang 57 beses na reclusion perpetua o pagkabilanggong 20 taon at 1 araw hanggang 40 taon bawat isang pagkakasala dahil sa pagpatay nila sa 57 tao noong Nobyembre 23, 2009 sa bayan ng Ampatuan sa Maguindanao.

Maalaalang makaraang masakerin ang mga biktima na kinabibilangan ng 32 mediaman; asawa at abogado ni Congresman Esmael Mangudadatu at iba pa, ibinaon sila sa hukay, kasama ang mga sasakyan ng mga ito gamit ang backhoe.

At makaraan nga ng mahigit 10 taong paglilitis, napatunayan sila nagkasala.

SI DATU SAJID ISLAM AMPATUAN

Nakasama si Datu Sajid Islam Ampatuan bilang sa kasong Ampatuan massacre.

Subalit nakapagpiyansa siya at hindi dumating at nagpakita sa korte nang hatulan ang kanyang mga kapatid.

Gayunman, napawalang-sala siya sa krimen at nanunungkulan ngayong vice mayor sa bayan ng Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao makaraang umupong gobernador sa nasabing lalawigan.

NAKALAWIT SA KATIWALIAN

Bagama’t nakaligtas si Sajid Islam sa hatol sa krimeng masaker, hindi naman siya nakaligtas sa katiwaliang ikinaso sa kanya habang naging acting governor siya ng Maguindanao makaraan ang malagim ng pangyayari.

Walong kaso, mga bro, ng graft at malversation ang sinabi ng Sandiganbayan na roon siya nagkasala.

May kaso sa malversation na roon siya hinatulan ng reclusion perpetua habang mas mababang parusa ang iginawad sa iba niyang krimen.

HINDI NA NATUTO

Bata pa si Sajid Islam at sana’y natuto na siya sa mga krimeng nagawa ng kanyang ama na si Andal Sr at mga kapatid niyang sina Andal Jr at Zaldy.

Subalit napatunayan ng hukuman na may sarili siyang mundo at ang pagnananakaw sa kaban ng bayan ang kanyang tinunton na daan.

Gumastos siya ng pondong bayan na P79 milyon para pambili umano ng mga sardinas, daing at asukal ngunit walang pasubasta na naging paglabag sa batas dito.

Ang masama pa, napatunayang pawang mga peke ang mga tindahang kanyang binilhan ng nasabing mga uri ng pagkain.

Siyempre pa, may kasama si Sajid Islam at nakasama niya sa hinatulan din ng Sandiganbayan na mabilanggo.

Hindi magagawa ni Sajid Islam ang krimen kung wala ang kasabwat niyang si Datu Ali Abpi, dating Maguindanao Provincial Budget Officer at miyembro ng panlalawigang Bids and Awards Committee.

Ngayon, pareho silang magbibilang ng 128 taong pagkabilanggo dahil sa kanilang mga krimen laban sa bayan.

Siyempre pa, mag-aapela ang dalawa sa mas nakatataas na mga hukumang Court of Appeals at Supreme Court at subukin na ring magpiyansa.

Ano kaya ang mangyayari sa huling mga araw ng kaso sa dalawang matataas na hukuman?