WALANG LUGAR SA LIPUNAN

WALANG LUGAR SA LIPUNAN

March 6, 2023 @ 2:00 AM 4 weeks ago


ISANG buhay ang kinitil, sanlibong pangarap ang naglaho.
Bilang isang ina nanginginig ako sa galit sa nangyari kay John Mattew Salilig, na napatay sa hazing ng Tau Gamma Phi fraternity sa Cavite.

Isang 3rd year college engineering student na sa Adamson University at inilarawang napakalambing na bata ng kaniyang mga magulang.

Siguro’y inakala n’yang bahagi ng paglago sa buhay estudyante n’ya ang pagsali sa TGP chapter sa unibersidad nya.

Isang kapatiran, pero dahas ang sukatan.

Hindi kinaya ni John Matthew ang halos pitumpung hagis ng palo na “welcoming rites” ng frat, sa chapter ng Adamson University. Sabi ng mga kaibigan kong fratmen, dapat ay pa-“thank you” na palo o halos tapik na lang ang binibigay kapag welcoming rites na. Isipin n’yo yun, kasapi na o “brod” na nga nila si John Matthew, pero pinahirapan pa nila at yun nga ang naging resulta, nalagutan siya ng hininga.

Mga asal hayop at nuknukan ng duwag.

Nagsuka na raw si John Matthew habang nasa gitna ng paluan. Senyales na iyon na nahihirapan na ang katawan. Habang nasa sasakyan, nawalan daw ng malay. Siguro nawalan na ng pulso
at wala nang maramdaman na hininga kaya natanto ng mga “brod” niya na patay na si John. Matthew.

Pero dahil nga siguro wala sa katinuan ng isip ang mga ito, imbes na itakbo sa ospital, nagdesisyon sila na humanap ng liblib na lugar, hinubaran ang katawan tsaka inilibing.

Dahas at kalupitan, sisigaw ang katarungan.

Nakonsensya ang ilang mga kasamahan n’ya at itinuro kung saan s’ya inilibing. At doon na sumambulat ang baho ng krimen, at ang karumal-dumal na katotohanan na ang hazing sa mga fraternity ay nanatiling ritwal pa rin.

Dapat managot ang Tau Gamma Phi fraternity, lalo na yun Cavite Chapter at ang pambansang pamunuan nito. Manguna sana ang mga kinauuklan ng Adamson University na papanagutin ang mga estudyanteng sangkot.

Walang lugar sa matinong lipunan ang karahasan na ipinagpapatuloy ng mga fraternity.