Walang mahihita sa red-tagging – incoming Nat’l Security Adviser

Walang mahihita sa red-tagging – incoming Nat’l Security Adviser

June 9, 2022 @ 10:08 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Hindi sang-ayon si incoming National Security Adviser (NSA) Clarita Carlos sa red-tagging, at sinabing walang mapapala rito.

Sa halip, sinabi ni Carlos, na tututukan ng administrasyong Marcos ang pagtugon sa mga ugat ng insurhensya.

“Siguro  huwag tayong gumamit ng label. Wala naman tayong mahihita nang ganyan kung we keep on labelling people,” aniya sa interbyu sa GMA.

Sa halip na akusahan ang mga personalidad bilang mga rebeldeng komunista, sinabi niyang tutugunan ng susunod na administrasyon sa ilalim ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kawalan ng pagkakataon at hustisya na nagbibigay inspirasyon sa insurhensya.

“Pakialaman na lang natin, let’s put our energy on operational aspects of really rooting, looking at the roots of insurgency, yung lack of opportunity, yung injustice na hindi naa-address,” giit ni Carlos.

Binigyang-diin ng dating propesor ng Unibersidad ng Pilipinas na ang pambansang seguridad ay sumasaklaw din sa “pang-ekonomiyang buhay” ng bansa, at ang seguridad ng tao, pagkain, enerhiya, at tubig ay dapat isaalang-alang.

Ipinunto ni Carlos na mali para sa Pilipinas na kopyahin ang konsepto ng pnational security mula sa Estados Unidos, na pangunahing nakatuon sa pananaw ng militar.

“Ang pambansang seguridad ay seguridad ng tao. Ano yung threat sa buhay mo as an individual,” aniya pa.

“I’m sure right now, malayo sa isip mo yung contested South China Sea, malayo sa isip mo yung Quad. Masyado silang malayo sa existence mo sa araw-araw,” dagdag pa niya.

Ang Quad ay tumutukoy sa impormal na alyansa na binubuo ng Japan, United States, India at Australia. RNT