Walang malinaw na ebidensyang nag-uugnay kay Duterte sa drug war deaths – solon

Walang malinaw na ebidensyang nag-uugnay kay Duterte sa drug war deaths – solon

February 17, 2023 @ 3:14 PM 1 month ago


MANILA — Walang malinaw na ebidensiya na nag-uugnay kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga extrajudicial killings na sinasabing ginawa noong kampanya ng kanyang administrasyon laban sa iligal na droga, ayon sa isang mambabatas ngayong Biyernes.

Ang komentong ito ay ginawa ni Surigao del Sur 2nd District Rep. Johnny Pimentel kasunod ng desisyon ng International Criminal Court na muling buksan ang isang pagsisiyasat sa madugong crackdown, na ikinamatay ng libu-libo.

Si Pimentel at 18 iba pang mambabatas, kabilang ang dating Pangulo at Senior Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, ay naghain ng resolusyon na nananawagan sa House of Representatives para magkaroon ng unequivocal defense para kay Duterte.

“Walang ebidensya, napakalinaw na ebidensya na nag-uugnay sa extrajudicial killings kay dating pangulong Duterte,” ani Pimentel. “Can any person in Philippine soil point to President Duterte na siya ang pumatay nitong tao na’to?,” dagdag pa niya.

Mahigit 6,200 katao ang namatay sa kanyang kampanya laban sa droga, ayon sa mga opisyal na numero. Ngunit tinatantya ng mga human rights group na ang totoong bilang ay mas higit pa rito

Ayon sa resolusyon, nakatulong ang anti-drug operations sa kapayapaan at kaayusan ng bansa. Nangatuwiran din ito na ang Pilipinas ay may gumagana at independiyenteng sistema ng hudisyal.

“Kung may nagawang krimen sa lupain ng Pilipinas, naniniwala ako na ang nararapat na hukuman na mag-iimbestiga at mag-usig sa sinumang may kasalanan ay ang mga korte ng Pilipinas.”

Mula nang magsimula ang drug war noong 2016, 3 pulis lamang ang nahatulan sa pagpatay sa isang drug suspect. RNT