Walang naitalang ‘failure of election’ sa Halalan 2022 – Comelec

Walang naitalang ‘failure of election’ sa Halalan 2022 – Comelec

May 11, 2022 @ 9:45 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Walang lugar sa bansa ang nagdeklara ng kabiguan sa halalan o failure of elections, ayon sa Commission on Election (Comelec) kasabay ng paghayag na ang nangyaring 2022 elections ang pinakamapayapang halalan sa mga nakaraang taon.

Sa kabila ng mga naranasang palpak ng vote counting machines,  sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia na ang mga Pilipino ay nakaranas ng “generally peaceful na halalan.”

“Wala po kaming nabalitaan na kahit anong effect nito dahil nga po katulad sa isang area, nalagay sa Comelec control, ay napakadami pa rin pong mga tao ang nakapila at talaga naman pong nagnanais na makapasok sa ating mga polling place,” anang komisyuner.

Kabilang sa mga naiulat na isyu ay ang pagbili ng boto at karahasan ng mga pribadong armadong grupo ng mga lokal na kandidato.

“Pero ikumpara po natin sa lahat ng eleksiyon, noong mga nakaraan, ito po ang pinaka tahimik as regards sa violence at saka issue ng terrorism,” dagdag pa ni Garcia.

Giit pa ni Garcia na sa mga lugar na may naitalang pagsiklab ng karahasan tulad ng Lanao del Sur, Basilan, Abra, at Nueva Ecija ay walang nagdeklara ng kabiguan ng halalan.

“These are isolated incidents and the AFP (Armed Forces of the Philippines) and the PNP (Philippine National Police) – and we’d like to appreciate them – are in full control of the situation in the entire country,” dagdag pa ni Garcia. RNT