Walang nawawalang dokumento sa ‘Vhong Navarro case’-DOJ

Walang nawawalang dokumento sa ‘Vhong Navarro case’-DOJ

August 9, 2022 @ 10:56 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nilinaw ng National Prosecution Service (NPS) ng Department of Justice (DOJ) na walang nawawalang dokumento sa kasong kriminal na isinampa laban sa aktor at television host na si Ferdinand “Vhong” Navarro.

Ginawa ni Prosecutor General Benedicto Malcontento ang pahayag kasunod ng isang ulat na ang dahilan kung bakit hindi naisampa ang kaso laban sa aktor ay nawawala ang file ng kasong panggagahasa.

“No. Just tracing it because it was under petition for review. When it was located, it contained numerous pages. The paging must be indicated in the transmittal,” ani Malcontento.

“The folder was transmitted to the Office of the City Prosecutor (OCP) in Taguig City last Friday,” dagdag pa niya.

Si Malcontento ay nagbigay din ng katiyakan na ang file ng kaso ay buo at ang mga partido at kanilang mga abogado ay hindi dapat mag-alala.

Noong nakaraang linggo, pinagbigyan ng Court of Appeals (CA) ang petition for review na inihain ng modelong si Deniece Milinette Cornejo. Iniutos ng CA sa prosekusyon na isampa ang kaso laban kay Navarro.

Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na susundin nila ang utos ng CA. RNT