‘Walang pasok’ guidelines ng kolehiyo tuwing may bagyo, iba sa DepEd – CHED

‘Walang pasok’ guidelines ng kolehiyo tuwing may bagyo, iba sa DepEd – CHED

September 28, 2022 @ 1:30 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nilinaw ng Commission on Higher Education ngayong Miyerkules, Setyembre 28 na iba ang panuntunan sa mga kolehiyo at unibersidad pagdating sa pagdedeklara ng suspensyon ng klase tuwing may bagyo o masamang panahon.

Ito ang sinabi ni CHED Chairman Prospero de Vera kung saan diretsahan nitong sinabi na iba ang mga panuntunan ng ahensya mula sa panuntunan naman ng Department of Education.

Ani De Vera, ang mga higher education institutions ay nasa ilalim ng Executive Order No. 66 S. 2012 at CHED Memorandum Order No. 15 S. 2012 na gabay sa suspensyon ng klase kapag may bagyo o iba pang kalamidad.

Sa ilalim ng nasabing panuntunan, awtomatikong suspendido ang klase sa kolehiyo kapag nasa Signal No. 3 na ang babala ng bagyo mula sa PAGASA.

Sa kabila nito, maaari naman na suspendihin ang pasok sa kolehiyo kung ito ay inanunsyo ng local government units o pinuno ng mga paaralan.

“Until the amendment or revocation of the said Executive Order and CMO No. 15, Series of 2012, CHED instructs all HEIs to observe these guidelines in their respective campuses,” ani De Vera.

Ginawa ng ahensya ang paglilinaw upang maiwasan ang kalituhan ng mga estudyante lalo na’t naging matunog kamakailan ang bagong panuntunan naman ng DepEd sa suspensyon ng klase tuwing may bagyo, baha o iba pang pangyayari. RNT/JGC