Walang Pinoy na damay sa China plane crash – consul general

Walang Pinoy na damay sa China plane crash – consul general

March 23, 2022 @ 8:40 AM 3 months ago


MANILA, Philippines – Walang Pilipino ang nasaktan matapos bumagsak sa isang kabundukan sa Southern China ang China Eastern passenger jet na may sakay na 132 pasahero.

Sinabi ni Philippine Consul General to Beijing Dinno Oblena na ang lahat ng pasahero na sakay ng Boeing 737-800 aircraft ay pawang mga Chinese nationals at wala ni isa mang filipino o dayuhan ang kasama matapos bumulusok ng mahigit 20,000 talampakan sa loob lamang ng isang minuto, na nagdulot ng pagsiklab ng apoy dahil sa impact.

Lumipad mula sa western city ng Kunming ang eroplano at papunta sa Guangzhou noong Lunes nang mangyari ang trahediya.

“Sa kasalukuyan po, patuloy ang investigation at operations ng authority ng Guanzhou province kung saan nangyari yung tragedy. Nakikipag-ugnayan din naman po ang konsulada sa Guanzhou, local authorities sa probinsya at na-confirm na walang foreigner at wala po tayong mga kababayan na among don sa listahan ng passengers ng nasawing eroplano,” ayon kay Oblena.

Nagpaabot naman ng pakikiramay ang Pilipinas sa mga kaanak ng mga nasawing pasahero.

Posible umanong pansamantalang ipatigil ng China ang paglipad ng mga 737 habang isinasagawa ang imbestigasyon, ayon kay Oblena.

Dahil sa nasabing insidente, naputol ang record ng China na 4,227 safe flight days sa kanilang civil aviation history.

Posible namang maging deadliest crash sa China sa nakalipas na tatlong dekada ang nabanggit na insidente. Kris Jose