Walang rotational brownouts sa dry season – DOE

Walang rotational brownouts sa dry season – DOE

March 2, 2023 @ 6:48 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Walang rotational brownouts sa panahon ng summer season.

Ito ang sinabi ng Department of Energy (DOE) dahil sa nakatakdang ilagay ang Luzon Grid sa ilalim ng yellow alert para sa buwan ng Abril at Mayo.

Ayon kay  Energy Undersecretary Rowena Cristina Guevarra, sinabi ng DOE na ang  electricity supply ay inaasahang sapat para sa  dry season, sa kabila ng manipis na reserba.

“Wala tayong nakikitang ganyang klaseng sitwasyon. Ang meron lang tayo ay posible na yellow alerts dito sa Luzon at tsaka sa Visayas, pero hindi brownouts,” ayon kay Guevarra.

Nito lamang Enero, sinabi ng  DOE na ang Luzon Grid ay inaasahang ilalagay sa ilalim ng  yellow alert sa “week 11” ng Marso,  weeks 13 at 17 ng Abril, at lahat ng linggo ng Mayo, weeks 22 at 23 ng Hunyo, week 35 ng Setyembre, week 42 ng Oktubre at week 47 ng Nobyembre.

Ipinahihiwatig ng red alert na walang  ancillary services o umiiral na generation deficiency habang  ipinahihiwatig naman ng  yellow alert  na ang grid ay mayroong manipis na reserba base sa “supply and demand.”

Winika ni Guevarra na sapat ang contingency reserves subalit ang  electricity prices ay maaaring maapektuhan kung ang isa sa mga generator ay mababalahaw at ang suplay ay kailangang kunin mula sa iba na gumagamit ng langis.

“Itong contingency na ito ay mayroon tayo ditong gumagamit ng oil, kaya medyo magmamahal ng konti ‘yung kuryente ‘pagka pinaandar itong mga ito,” ani Guevarra.

“Pero nandiyan po sila, naka-ready sila, except that sana po hindi po mag-shutdown ’yung mga mas murang planta natin para hindi po maapektuhan ang presyo ng kuryente ngayong summer,” aniya pa rin.

Samantala, kasalukuyan namang nakikipag-ugnayan an DOE  sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) upang matiyak na walang magaganap na  maintenance shutdowns sa panahon ng summer season.

Ipinaalala rin nito na dapat na pinatatakbo ang power generators sa summer season dahil sa inaasahang mataas na demand. Kris Jose