Walang sabotahe, cyber-attack sa NAIA air traffic control glitch – Poe

Walang sabotahe, cyber-attack sa NAIA air traffic control glitch – Poe

March 8, 2023 @ 12:26 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Walang nakitang pananabotahe at cyber-attack sa nangyaring air traffic control glitch sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Bagong Taon na naapektuhan ang 280 flights at 60,000 pasahero, ayon kay Senador Grace Poe.

Sa pahayag, sa halip, sinabi ni Poe na dapat ipagpatuloy ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang pagpapalit at upgrading ng kritikal na kagamitan upang maiwasang mangyari ulit ang katulad na insidente.

Ayon kay Poe, chairman ng Senate committee on public services na nag-imbestiga sa naturang insidente, na inirekomenda sa committee report No. 39 na ipinalabas nitong Martes ang pag-aamyenda sa CAAP Charter at Passengers’ Bill of Rights, paglikha ng Philippine Transportation Safety Board, at pagsasabatas ng Philippine Airports Authority Act.

“To complement these, sufficient engineering guidelines and training of accredited engineers should be rolled out. Another CNS/ATM (Communications, Navigation and Surveillance Systems for Air Traffic Management) system in an independent location should also be supported,” ayon kay Poe.

Sinabi pa ni Poe na dapat pabilisin din ng Department of Transportation ang pagsasagawa ng feasibility studies sa panukalang privatization at Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at tulungan ang CAAP na makatupad sa rekomendasyon ng International Civil Aviation Organization (ICAO).

Isa sa mahalagang obserbasyon ng ICAO, ayon kay Poe, ang kawalan ng bansa ng Master Constingency Plan na dapat likhain upang makabuo ng emergency procedures kapag nagkaroon ng air traffic glitch.

“The Philippines already has a history of non-compliance to ICAO and I wish to reiterate that there are consequences. A downgrade from Category 1 to Category 2 means Philippine-registered aircraft and personnel would have to undergo heightened inspections abroad which might cause flight delays. Maaari rin mag-impose ang ibang bansa ng restrictions sa ating mga commercial flights. This will translate to huge economic losses for the country,” babala ng senadora.

Isang specialized agency ang ICAO ng United Nations (UN) sa 193 member-states, kabilang ang Pilipinas na nagtatakda ng pamantayan at regulasyon na kailangan sa aviation safety, security, efficiency at environmental protection.

“It also assesses all member states of the UN on their capability and capacity to implement an effective safety oversight of aviation operations,” ayon kay Poe.

Sinabi ni Poe na naniniwala ang komite na ginawa ng tauhan ng CAAP ang lahat ng makakaya nito base sa kagamitan, alituntunin at pagsasanay na ibinigay sa kanila.

Aniya, magkakahalo-halos ang salik at pagkakamali sa nangyaring system failure noong Bagong Taon at marami pang dapat gawin upang magkaroon ng mas mahusay na air traffic system.

“It is my earnest hope that through our investigative work, Congress will be able to assist CAAP in providing a system where travel in our airspace is no longer shut down by causes which could have been avoided,” ayon kay Poe. Ernie Reyes