Walang sapat na oras para sa Cha-cha – Rep. Quimbo

Walang sapat na oras para sa Cha-cha – Rep. Quimbo

July 26, 2018 @ 10:07 AM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Nagpahayag ng pangamba si House Minority Leader Miro Quimbo tungkol sa kakulangan ng oras ng Kongreso para pag-usapan ang Charter Change para sa pagpapatupad ng pederalismo sa bansa, ayon sa isang panayam ngayong Huwebes (July 26).

Nang hingan ng reaksyon tungkol sa maaring pag-upo bilang Prime Minister ni bagong Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, sinabi ni Quimbo, “Narinig ko ‘yan pero sa nakita ko sa draft constitution, wala namang prime minister na nakalagay po dun, although ‘yan ay babalangkasin pa po,” tinutukoy ang draft charter na binuo ng Consultative Committee na inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na siyang nag-endorso nito sa Kongreso.

“Pero sa nakikita ko, sa nagiging kaguluhan, kung hindi po ito maaayos kaagad, October, in less than six weeks, magfa-file na ng candidacy ang mga congressman, ang mga senador. Magkakaroon ng October break, magkakaroon ng December break, ng March break, so sa tingin ko baka wala nang oras para diyan (Charter change).”

Nakatakdang magkaroon ng midterm elesyon sa bansa sa May 2019 kung saan magsisimula ang filing of Certificates of Candidacy sa October ngayong taon.

Nauna rito, sinabi ni Senator Panfilo Lacson kahapon (July 25) na ang pagkakaupo ni Arroyo bilang Speaker ay konektado sa proposed Charter Change na hindi lang tungkol sa pagpapatupad ng Pederalismo sa bansa kundi pati na ang pagiging parliamentary government ng Pilipinas na pinangungunahan ng Prime Minister. (Remate News Team)