WALANG SRP SA BILIBID

WALANG SRP SA BILIBID

November 11, 2022 @ 11:10 AM 3 weeks ago


AKALA ko hindi na ako magugulat sa mga nadiskubre ng mga awtoridad nang muli nilang galugarin ang New Bilibid Prison sa Muntinlupa City. Isang malaking HA?! sabay kamot sa ulo ang na lang ang naging reaskyon ko nang ilatag sa media ang mga nakumpiska nila sa loob.

Pinangunahan ni Bureau of Corrections Officer In-Charge Director Gen. Gregorio Catapang Jr. ang pagsagawa ng “Oplan Galugad” sa loob ng Bilibid noong nakaraang linggo.

Akalain n’yong may mga pitong libong pirasong lata ng ‘beer’, may mahigit isang libong communication devices, mahigit sa isang libo at tatlong daang nakamamatay na sari-saring armas, mahigit isang libong piraso ng sigarilyo at tabako, may cash at iba’t ibang mga gamit sa pagsugal ang natagpuan sa loob.

Doon ako sa beer napakamot ng ulo dahil sa presyo pa lang nito ay malalasing ka na. Ibinebenta raw sa loob ng tig-isang libong piso kada isang piraso. Kaya siguro ganoon karami dahil na stock na ito sa sobrang mahal, hindi kaya ang presyo ng inmates. Biru-biruan tuloy, walang Suggested Retail Price ang mga paninda sa loob ng piitan, dapat siguro puntahan sila ng mga taga- Department of Trade and Industry.

Kung hindi pa dahil sa pagkakapaslang sa broadcaster na si Percy Lapid hindi mabubunyag ang mga kontrabandong ito sa loob ng Bilibid. At ang nakakapagtaka pa nito, kung bakit nasa piitan na nga sila pero nakakagawa pa rin ng krimen sa labas.

Hindi sapat na sibakin o suspendihin lang ang mga Bucor personnel na may kapabayaan o sangkot sa mga nadiskubre sa loob. Tama ang sinabi ni Catapang na kailangan magkaroon ng reporma sa hanay ng BuCor.

Pero teka noong bagong upo si Bantag sa BuCor binantaan niya ang mga tauhan niya at ang inamtes na huwag gagawa ng kabulastugan sa pamumuno niya kundi may kalalagyan sila. Yan ang banta ni Bantag!

Kaya lang hindi na nga siya ang astig sa Bilibid ngayon dahil nga sa pangyayari. Kasama siya at ng iba pa sa kinasuhan ng ‘murder’ sa pagpaslang kay Lapid.

Ngayon si Catapang na ang ipinalit, na matapang na ipinapahayag ang paglilinis at pagrereporma sa hanay nila sa loob at labas ng Bilibid.

Sana nga ay maipatupad nya ang totoong reporma sa oblo ng BuCor.