Walk-in sa pediatric vaccination sa P’que pwede na

Walk-in sa pediatric vaccination sa P’que pwede na

February 23, 2022 @ 11:11 AM 4 months ago


MANILA, Philippines – Tumatanggap na ng magpapabakunang walk-ins na nasa edad lima hanggang 11 taong gulang ang lokal na pamahalaan ng Paranaque sa Ayala Malls Manila Bay vaccination site mula Pebrero 22 at magtatagal ng hanggang Pebrero 25.

Ayon sa lokal na pamahalaan, ang tanging tatanggapin lamang na mga walk-ins ay ang mga residente ng lungsod gayundin ang mga anak ng empleyado ng Parañaque City hall sa Ayala Malls vaccination site na matatagpuan sa ikalawang palapag ng the Filipino Village area.

Ang Ayala Malls vaccination site ay magbubukas ng alas 8:00 ng umaga at ang cut-off time para sa rehistrasyon ay hanggang alas 3:00 lamang ng hapon dahil magsasara ang nabanggit na vaccination site ng eksakto alas 4:00 ng hapon.

Para sa mga magpapaturok ng kanilang ikalawang dose at booster shots na napapabilang sa populasyon ng adult ay nakaiskedyul din ng Pebrero 22 hanggang Pebrero 25 sa Luzon Exhibit vaccination area naman ng Ayala Malls.

Magkakaroon din ng special lane para sa mga magpapaturok ng ikalawang bakuna at booster shots ang mga napapabilang sa adult population sa Filipino Village area.

Kasabay nito ay nag-aalok din ang lokal na pamahalaan ng baksinasyon sa mga bat ana nasa edad 5 hanggang 11 taong gulang at booster shots ng mga indibidwal na nasa 18 taong gulang pataas na gaganapin sa darating na Sabado (Pebrero 26) sa ilang piling vaccination sites sa lungsod.

Ang iskedyul ng baksinasyon tuwing araw ng Sabado ay ginaganap sa SM City BF at Building B ng SM Sucat. James I. Catapusan