Walk-in vaccination sa NCR itinigil muna sa limitadong suplay ng COVID-19 vaccine

Walk-in vaccination sa NCR itinigil muna sa limitadong suplay ng COVID-19 vaccine

July 7, 2021 @ 10:27 AM 1 year ago


MANILA, Philippines – Karamihan sa mga lungsod sa Metro Manila ang tumigil sa pagbabakuna ng unang dose ng COVID-19 vaccine dahil sa limitadong suplay.

Hindi magbabakuna ng unang dose ng bakuna sa Makati, Muntinlupa, Parañaque, Valenzuela, Las Piñas, Maynila, at Malabon.

Ayon sa mga LGU, wala pang dumarating na suplay ng bakuna mula sa gobyerno.

Hinihintay din ng mga ito ang biniling bakuna.

Sinabi ni Parañaque City Mayor Edwin L. Olivarez na ang pansamantalang pagpapahinto sa pagbibigay ng unang dose ng bakuna ay bunsod ng kakulangan ng vaccine at kapag dumating na ito ay agad na ipagpapatuloy ang pagbibigay ng unang dose ng vaccine sa mga residente ng lungsod.

Ayon kay Olivarez, ang mga nakaiskedyul na babakunahan ng ikalawang dose ay para lamang sa mga pasyente na naturukan ng unang dose ng Sinovac noong Hunyo 7 at 8 gayundin ang mga hindi nakarating sa kanilang iskedyul na araw ng  pagbabakuna na mayroong palugit na 28 araw.

Inaasahang dumating ngayong araw ang 170,000 dose ng Sputnik V vaccine.

Ngayong linggo rin inaasahang dumating ang suplay ng bakuna mula AstraZeneca at Sinovac. ELM/James Catapusan