“Walk of faith” isasagawa sa Pista ng Nazareno

“Walk of faith” isasagawa sa Pista ng Nazareno

November 17, 2022 @ 6:29 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Magkakaroon ng ‘Walk of Faith’ sa Enero 2023 bilang bahagi ng kapistahan ng Traslacion ng Nuestro Padre Jesus Nazareno.

Sinabi ni Quiapo Church Attached Priest Fr. Earl Allyson Valdez sa Radio Veritas na bagama’t ipagpapaliban ang nakagawiang prusisyon ng Poong Nazareno ay isasagawa naman ang Walk of Faith sa Enero 8, 2023 o isang araw bago ang kapistahan ng Poong Nazareno.

“Kahit wala yung ating tradisyunal na prusisyon ay madaragdag sa ating mga schedule of activities yung Walk of Faith o Lakad Pananampalataya na gaganapin sa madaling araw ng January 8,” pahayag ni Fr. Valdez sa himpilan.

Ayon sa pari, magsisimula sa pamamagitan ng Banal na Misa alas-12 ng hatinggabi ng Enero 8 sa Quirino Grandstand na agad susundan ng Walk of Faith.

Kasalukuyang isinasapinal ang rutang dadaanan mula Grandstand patungong Quiapo Church.

Gayunpaman paalala ni Fr. Valdez sa mga debotong lalahok sa Walk of Faith na magdala ng kandila at mahigpit na sundin ang ipatutupad na alintuntunin at protocols para mapanatiling ligtas ang kalusugan ng mananampalataya.

Napagkasunduan din ng Basilica at lokal na pamahalaan ng Maynila ang mahigpit na pagpatupad ng pagsusuot ng face mask ng bawat dadalo.

Ito na ang ikatlong taon na ipagpaliban ang tradisyunal na Traslacion ng Poong Hesus Nazareno dahil pa rin sa patuloy na banta sa kalusugan ang COVID-19.

Bagamat suspendido ang Traslacion, unti unting ibabalik ng Quiapo Church ang ilan sa mga gawain tuwing kapistahan tulad ng pagsasagawa ng Banal na Misa sa Quirino Grandstand kung saan nakatanghal ang replica image ng poon para sa ‘Pagbibigay Pugay’ sa halip na pahalik.

Gayundin ang tuloy-tuloy na Fiesta masses mula sa hapon ng Enero 8 hanggang sa gabi ng Enero 9 o kabuuang 34 na misa ang ilalaan ng Basilica para sa Traslacion 2023.

Pangungunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang Misa Mayor. Jocelyn Tabangcura-Domenden