Walk-through, inspeksyon sa Pista ng Itim na Nazareno, puspusan na

Walk-through, inspeksyon sa Pista ng Itim na Nazareno, puspusan na

December 27, 2022 @ 10:02 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Puspusan na ang ginagawang paghahanda ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) sa Quiapo Church para sa selebrasyon ng Pista ng Itim na Poong Nazareno sa Enero 9, 2023.

Sa pangunguna ni MPD Director Brig.General Andre Dizon, nagsagawa ng sunod-sunod na inspeksyon at walk through mula Quirino Grandstand hanggang Quiapo Church.

Bagama’t walang magaganap na Traslacion, nais tiyakin ng pamunuan ng MPD at ng Quiapo na maayos at ligtas ang daraanan ng gagawing Walk of Faith.

Ayon naman kay Rev.Fr. Earl Allyson Valdez, ang Kaparian ng Quiapo Church, may prusisyong gagawin na maayos at marangal habang ang lahat ay nagdarasal.

“Lahat po sana tayong dadalo ay may maliliit na imaheng dala– dala rin po ang ating mga kandila– dala ang ating mga rosaryo,” ayon kay Fr. Valdez.

Pakiusap ng heneral na tinaguriang ‘the game changer’ ng MPD, at mga organizer ng Kapistahan ng Poong Itim na Nazareno sa mga deboto na sumunod sa mga paiiiraling patakaran lalo na’t nasa gitna pa rin ng pandemya ang Pilipinas. Jocelyn Tabangcura-Domenden