‘Waning immunity, increased mobility’ posibleng maging mitsa ng ‘COVID breakthrough – Gloriani

‘Waning immunity, increased mobility’ posibleng maging mitsa ng ‘COVID breakthrough – Gloriani

October 6, 2022 @ 6:28 PM 6 months ago


MANILA, Philippines- Inihayag ni Vaccine Expert Panel (VEP) chief Dr. Nina Gloriani nitong Huwebes na posibleng magkaroon ng COVID-19 breakthrough infections  sa mga indibidwal na hindi pa natuturukan ng booster doses, dahil sa humihina nilang immunity at sa increased mobility ngayong Christmas season.

Sa isang public briefing, sinabi ni Gloriani na nananatiling mabagal ang administrasyon ng booster shots sa bansa, kung saan 25% lamang ng target population ang naturukan ng unang booster dose.

“Mabagal siya. ‘Yung dati, siguro a month or two ago, 24% na ang nabigyan ng booster eh ngayon nasa 25%. Ang tinaas niya ay konting-konti lang,” pahayag niya.

Si Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire ang nagsabi nitong Martes na hindi bababa sa 19.7 milyong Pilipino ang naturukan ng unang booster shot, katumbas ng halos 25% ng eligible population.

“Waning immunity tapos increased mobility tapos ito nga po, magpa-Pasko, marami ang lumalabas, namimili, mataas ang mobility ng mga tao… ‘Pag bumaba na ‘yung antibodies, ‘yung mga T cells natin, ay ayan, magkakaron na na ulit ng possible breakthrough infections,” aniya.

“Importante sana na maintindihan ng ating mga kababayan lalo na yung may mga edad at may mga sakit na ang booster ay nagpapataas muli ng proteksyon at especially doon sa mga variants na umiikot ngayon,” dagdag ng eksperto.

Sinabi ng Centers for Disease Control and Prevention na nagaganap ang vaccine breakthrough infection kapag ang isang indibidwal na vaccinated ng primary series o nabakunahan na ng booster dose ay masapul ng COVID-19.

Batay sa national COVID-19 vaccination dashboard ng DOH, 73.2 milyong indibidwal ang fully vaccinated na sa bansa. RNT/SA