Wanted na rapist, nalambat sa Navotas

Wanted na rapist, nalambat sa Navotas

October 26, 2022 @ 12:06 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Isinelda ang isang lalaki na wanted sa kasong panggagahasa matapos mabitag ng pulisya sa isinagawang manhunt operation in relation to SAFE NCRPO sa Navotas City, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Navotas police chief Col. Dexter Ollaging ang naarestong akusado bilang si Ajenn Villegas, 28 ng No. 76 Judge A. Roldan, Daang Bangco St., Brgy. San Roque.

Ayon kay Col. Ollaging, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng Station Intelligence Section (SIS) na naispatan ang presensya ng akusado sa kahabaan ng M. Naval St., Brgy. Sipac-Almacen kaya nagsagawa sila ng validation.

Nang positibo ang ulat, kaagad ikinasa ng mga operatiba ng SIS sa pangunguna ni PLT Luis Rufo Jr, at Warrant and Subpoena Section (WSS) ang joint manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay Villegas dakong alas-2:05 ng hapon sa nasabing lugar.

Ani PLt. Rufo, si Villegas ay inaresto nila sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong September 13, 2022 ni Judge Catherine Therese M. Tagle-Salvador ng Regional Trial Court (RTC) Branch 73, Malabon City para sa kasong Rape. Boysan Buenaventura