Wanted posters ng 6 suspek sa missing sabungero, tig-P1M pabuya inilabas!

Wanted posters ng 6 suspek sa missing sabungero, tig-P1M pabuya inilabas!

February 17, 2023 @ 7:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Naglabas ang Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng wanted poster ng anim na suspek sa pagkawala ng mga “sabungero” sa Manila Arena noong nakaraang taon.

Kinilala ang mga suspek na sina Julie Patidongan o Dondon, Mark Carlo Zabala, Roberto Matillano Jr., Johnry Consolacio, Virgilio Bayog, at Gleer Codilla o Gler Cudilla.

Nag-aalok din ang pulisya ng P1,000,000 para sa bawat suspek.

Inilabas na ang warrant of arrest laban sa anim na suspek para sa kidnapping at serious illegal detention.

Sinabi ni CIDG chief Police Brigadier General Romeo Caramat Jr. na ang mga poster ay ipapaskil sa lahat ng PNP units, places of convergence, social media, at website ng CIDG.

Hinikayat ni Caramat ang publiko na tulungan sila sa anumang paraan upang mahuli ang mga akusado.

Ang Manila Arena case o “Case 1” ay isa sa walong kaso na iniimbestigahan ng CIDG sa pamamagitan ng Special Investigation Task Group “Sabungero”.

Sa ngayon, ang mga criminal complaints na inihain sa Cases 1 at 8 (para sa kidnapping ng e-sabong master agent na si Ricardo Lasco) ay pinaboran ng mga korte na magkaroon ng probable cause para kasuhan ang mga respondents sa pamamagitan ng pag-isyu ng arrest warrant, sabi ng CIDG. RNT