Wanted sa child abuse inginuso sa social media

Wanted sa child abuse inginuso sa social media

December 14, 2022 @ 7:22 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nasakote sa Valenzuela City ang isang lalaking wanted sa child abuse sa Sorsogon City at halos anim na taon nang nagtatago matapos inguso sa isang message sending application sa social media.

Dinakip si Christian Gargallo, 30, sa Centrum Plastic, Lamesa St., Barangay Ugong, Valenzuela nitong Martes, Disyembre 13.

Ayon sa pulisya, Lunes, Disyembre 12 ay nakatanggap sila ng mensahe sa social media na nagtatago sa Valenzuela si Gargallo at ibinigay din ang lokasyon kung saan ito naglulungga kaya’t agad silang sumalakay at hinuli ang suspek.

Dinakip si Gargallo sa bisa ng active warrant na inisyu ng Irosin, Sorsogon Regional Trial Court Branch 55 para sa paglabag sa Section 5 ng Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act noong Enero 24, 2017. Merly Iral