Wanted vice mayor na pumatay sa SB member, huli na!

Wanted vice mayor na pumatay sa SB member, huli na!

April 19, 2022 @ 7:29 AM 2 months ago


RIZAL, CAGAYAN-Bumagsak na sa kamay ng alagad ng batas ang wanted na Bise Mayor Joel Ruma ng Rizal, Cagayan.

Si Vice Mayor Joel Ruma ang tinukoy na nasa likuran ng pagpaslang kay Sangguniang Bayan Member Alfredo Alvarez na pinagbabaril sa Lungsod ng Tuguegarao noong taong 2018.

Bukod sa nabanggit na bise mayor ay kabilang din sa pinadadakip ay sina Simeon Baloran, Jessie Labang, Dalden Guiwayan, Jose Batang at Jocel Sacayle na pawang nagtatago pa sa batas.

Sa nakuhang impormasyon mula sa Kamuning Police Station (PS 10), nadakip ang nasabing bise mayor sa tapat ng El Jardin 2 President Condominium sa bahagi ng Sgt. Esguerra, Brgy South Triangle, Quezon City dakong (4:00 PM) kahapon.

Inaresto si Ruma ng pinagsanib na pwersa ng CIDG Field Unit ng Cordillera at Kamuning Police Station matapos makorner ito sa nabanggit na lugar.

Si Ruma ay may kinakaharap na kasong murder (case number 23026) at sa bisa ng Warrant of Arrest na inilabas ng sala ni Judge Vilma Pauig ng RTC Second Judicial Region sa Lungsod ng Tuguegarao.

Batay sa isinilbing warrant of arrest ay walang inirekomendang piyansa ang hukuman sa nasabing wanted na bise mayor.

Matatandaang positibong natukoy sa kuha ng security camera malapit sa pinangyarihan ng krimen sina Labang at Baloran na responsable sa pagpatay kay SB Alvarez.

Ang dalawang naturang katauhan ay nagsisilbi noong security aide ni noo’y Mayor Joel Ruma.

Sa ngayon ay tumatakbo sa pagka-alkalde ng kanilang bayan si Ruma sa gaganaping 2022 local elections.

Pansamantala naka-detine si Ruma sa CIDG Camp Crame para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon bago ipasakamay korteng pinagmulan. Rey Velasco