Wapakels sa COVID; PBBM trabaho pa rin kahit naka-isolate

Wapakels sa COVID; PBBM trabaho pa rin kahit naka-isolate

July 11, 2022 @ 7:27 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Sa kabila ng pagkakaroon ng COVID-19, nasa maayos na kalagayan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at patuloy na nagtatrabaho, kahit naka-isolate, na nagbibigay ng mga direktiba sa kanyang mga opisyal ng gabinete, ani Press Secretary Trixie Cruz-Angeles noong Linggo.

Sinabi ni Angeles na sa pagsusuri ng lead physician ng Pangulo na si Dr. Samuel Zacate, ay bumuti nang malaki ang kalagayan ni Marcos, tanging banayad na sintomas, at “walang lagnat, walang naranasang pagkawala ng panlasa at pang-amoy.”

Sa pisikal pa na pagsusuri ni Zacate nakita na ang lalamunan ng Pangulo ay malinis sa anumang pamamaga at higit sa lahat, walang “senyales ng respiratory distress o pneumonia.”

“His personal doctor, Dr. Zacate, reported Saturday that the President is doing well and very much in stable condition,” ani Angeles.

Matatandaan, nagpositibo sa COVID-19 ang Pangulo sa antigen test noong Biyernes, Hulyo 8.

Noong panahong iyon, nakakaranas siya ng banayad na lagnat, pagbabara ng ilong, pangangati ng ilong at banayad na paminsan-minsang ubo.

Ito na ang pangalawang pagkakataon na nagpositibo sa COVID-19 si Marcos.

“Vital signs are within normal limit and he will be subjected to further laboratory examination as may be needed” nakasaad pa sa pinakabagong health bulletin ni Zacate kay PBBM. RNT