Week-long transport strike, itutuloy! – Manibela

Week-long transport strike, itutuloy! – Manibela

March 2, 2023 @ 7:00 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Magpapatuloy umano ang isang linggong transport strike na inorganisa ng ilang transport groups sa kabila ng desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na palawigin ang deadline sa mga jeepney operators na makasali o bumuo ng mga kooperatiba hanggang Disyembre 31, 2023.

“Isa lang ang sasabihin ko, tuloy po ang tigil-pasada,” ani Mar Valbuena, chairperson ng transport group na Manibela, sa panayam ng DZBB nitong Miyerkules, Marso 1.

Ayon sa LTFRB, maglalabas sila ng bagong memorandum circular na nagpapalawig sa nakatakda sanang June 30 deadline para sa consolidation.

Ani Valbuena, hindi pa nila natatanggap ang kopya ng dokumento ngunit nasabihan na sila na hindi kasama dito ang mga solusyon sa isa sa kanilang hinaing.

“2021 pinutol ang consolidation. May mga iba-ibang transport cooperative tapos nung pinutol ‘yun, di kami natapos, basura na. Back to zero. Ngayon, kung gusto namin sumali, po-proseso ulit kami pero doon na sa naunang kooperatiba na nag-comply,” diin niya.

“Ano implications nito? Hindi na kami magiging kooperatiba. ‘Yung mga miyembro po namin na kasama sa kooperatiba sasali sa existing kooperatiba na naunang nakapag-comply o napayagan. Ano mangyayari don? Magm-miyembro na naman kami….May membership fee na naman. Panibagong gastos ulit,” dagdag ni Valbuena.

Aniya, mayroong 40,000 public utility vehicles (PUV) ang lalahok sa strike na posibleng makaparalisa sa transport system ng Metro Manila mula Marso 6 hanggang Marso 12, 2023.

Nitong Miyerkules, Marso 1 ay nauna nang nakiusap si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na huwag nang ituloy ang week-long transport strike. RNT/JGC