Welder isinelda sa baril at granada sa Malabon

Welder isinelda sa baril at granada sa Malabon

October 13, 2022 @ 10:45 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Bagsak sa kulungan ang isang welder matapos makuhanan ng baril, mga bala at granada sa isinagawang joint police operation sa Malabon City.

Kinilala ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang naarestong suspek bilang si Randy Magpayo alyas “Ulo”, 36 at residente ng No. 9 VMN Compound, Brgy. Potrero.

Ayon kay Barot, nakatanggap ang mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) ng Malabon police ng impormasyon na illegal umanong nag-iingat ng baril at Granada si Magpayo kaya kumuha sila ng search warrant sa korte.

Ani PSSg Ernie Baroy at PSSg Diego Ngippo, dakong alas-4:50 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng SIS sa pangunguna ni PLT Richel Sinel sa koordinasyon sa Sub-Station 1, kasama ang SECU,NPD ng joint police operation at pagpapatupad ng search warrant na inisyu ng RTC Branch 290, Malabon City sa loob ng bahay ng suspek.

Kaagad pinosasan ng mga pulis ang suspek matapos makumpiska sa loob ng kanyang bahay ang isang Pistol Tanfoglio na may defaced serial number, magazine, anim pirasong bala ng 9mm, hand grenade, itim na sling bag at identification card.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions) at RA 9516 (Unlawful Possession of Explosives). Boysan Buenaventura