Malabon City – Isang welder ang nasa kritikal na kalagayan matapos tagain at hatawin ng bakal sa tubo ng isang suspek kaninang umaga sa lalaki sa Malabon City
Nakaratay at ginagamot sa Jose Reyes Memorial Hospital sanhi ng tinamong taga sa ulo ang biktimang si Orland Baneco alyas “Lan-Lan”, 20 ng 148 Interior Sanciangco St., Brgy. Catmon.
Pinaghahanap naman ng mga pulis ang suspek na nakilalang si John Paul Lopez alyas “Popoy”, 21 ng Omboy Sanchez St., Brgy. Tinajeros na mabilis na tumakas
Batay sa imbestigasyon nina PO3 Jun Belbes at PO3 Roger Gonzales, dakong pasado alas 9:45 ng umaga, nagkarera ng kalapati ang biktima kasama ang dalawang kaibigan sa Omboy Sanchez St. nang makarinig ang mga ito ng boses na “Hwag yan si Lan-lan yan”.
Nang lumingon ang biktima sa likod, nakita nito ang suspek na armado ng jungle bolo at bakal na tubo at sa hindi malaman na dahilan ay tinaga ni Lopez sa ulo si Baneco saka hinataw sa binti ng tubo.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek sa hindi matukoy na direksyon habang isinugod naman ng kanyang mga kaibigan ang biktima sa San Lorenzo Ruiz Hospital at kalaunan ay inilipat sa JRH. (Roger Panizal)