Welder natagpuang lumulutang sa ilog

Welder natagpuang lumulutang sa ilog

July 2, 2022 @ 3:21 PM 1 month ago


BONGABON, Nueva Ecija – Isang katawan ng lalaki ang natagpuang lumulutang sa isang ilog sa Barangay Santor ng bayang ito, noong Biyernes ng umaga.

Ayon sa Bongabon Police, nadiskubre ang bangkay ng biktimang si Marvin Peralta, 28, may-asawa, isang welder ng nasabing lugar ng kanyang ka-barangay na si Allan Bano, 39, isang negosyante.

Nabatid sa ulat na bandang alas-7:30 ng umaga ng Biyernes habang patungo umano si Bano sa kanyang piggery ay nakita nito ang bangkay ng biktima na palutang-lutang sa nasabing ilog doon.

Agad naman itong itinawag sa pulisya ni Bano at agad na tinungo ng pulisya at dinala sa pampang.

Lumalabas na may sugat sa gawing kanang kilay at kaliwang tenga ang biktima dahil umano sa dugong nanggaling sa mga iyon.

Patuloy pang nag-iimbestiga ang pulisya kung may foul play sa pagkamatay ng biktima. Ver Sta. Ana