Welder tinarakan ng helper sa address

Welder tinarakan ng helper sa address

October 2, 2022 @ 2:47 PM 2 months ago


ROXAS CITY – Hindi inakala ng isang welder na ang hindi umano nito pagsagot sa helper ng tama nilang address ang magiging dahilan ng kanyang kamatayan matapos pag-uundayan ng saksak ng huli kamakailan sa probinsya ng Capiz.

Kinilala ang biktimang si Jobert Castillo Manuguid, nasa hustong gulang at residente ng Purok Tapulanga Hills, Phase V, Negros Occidental.

Tugis naman ng pulisya ang suspek na kinilalang si Randy Dizon, helper, nasa hustong gulang at taga Piña, Maayon, Capiz.

Batay sa report ng Roxas City Police Station, bandang 10:20 ng gabi naganap ang krimen sa barracks ng suspek at biktima sa Barangay Lawaan, Roxas City.

Lumabas sa imbestigasyon, nakita pa ni Richel Pama Dawatan ang biktima na pumasok ito sa barracks at ipinasok ang kanyang cellphone at paglabas ay kinompronta ito ng suspek.

Ilang minuto ang nakalipas nakarinig na lamang siya ng mga malalakas na boses dahilan para alamin niya hanggang sa nakita niya ang biktima na naliligo sa sariling dugo at humihingi ng tulong.

Agad naman dinala sa ospital ang biktima para lapatan ng lunas ang tinamo nitong saksak sa dibdib at tiyan subalit makalipas ang ilang oras ay nalagutan rin ng hininga.

Kwento ng mga kasamahan ng mga biktima at suspek, bago ang krimen nagkaroon ng pagtatalo ang mga ito dahil sa pagtatanong ni Dizon hinggil sa tamang address ng kanilang pinagtatrabahuhan.

Nagsasagawa na ng manhunt operation ang pulisya para sa ikadarakip ng suspek na mabilis tumakas matapos ang krimen. Mary Anne Sapico