WHO ibinandera; Pinas ‘good job’ sa pandemic response – Nograles

WHO ibinandera; Pinas ‘good job’ sa pandemic response – Nograles

January 26, 2022 @ 9:43 AM 8 months ago


MANILA, Philippines – “GOOD JOB” ang Pilipinas sa ginagawa nitong paglaban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa kabila ng limitadong kapasidad.

Tugon ito ng Malakanyang sa ipinahayag ni Vice President Leni Robredo na mayroon di umanong pagkukulang ang gobyerno sa pandemic response sa bansa.

“Siguro ang the best na sagot diyan would be from a third party. Tingnan natin iyong sagot ng WHO [World Health Organization], iyong kanilang pinaka-representative dito sa ating bansa, si Dr. Rabindra Abeyasinghe sinabi niya that the Philippines has done a good job in terms of our response against Covid-19,” ayon kay acting presidential at Cabinet Secretary Karlo Nograles.

Aniya pa, ang fatality rate ng Pilipinas ay kabilang sa pinakamababa sa mundo “comparatively lower than many and most countries” sa kabila ng limitadong kapasidad at pagiging middle-income country.

“While other countries have completely shut their borders, tayo ay nagpapasok ng ating mga Filipino overseas, we welcomed them home,” ani Nograles.

“Iyong ating vaccination drive po natin is 57,514,283 individuals fully vaccinated. At marami pa po tayong mga tagumpay sa laban against Covid-19,” diing pahayag nito.

Aniya, kailangan na ituon ng pansin ng publiko na magkapit-kamay para labanan at talunin ang virus dahil ang Covid-19 battle ay hindi magagawang mag-isa ng gobyerno.

“Hindi po ito solo-solo, lahat po dapat tayo magtulungan, dahil tayong lahat, mga kababayan, ang kalaban natin dito ay ang Covid-19. At ito iyong panahon kung saan lahat dapat tayo ay doon ang focus natin against Covid-19,” aniya pa rin.

Araw ng Lunes nang sabihin ni Robredo na pinipilit niyang punan ang puwang sa ginagawang pagtugon ng pamahalaan sa covid 19, giit ni Robredo may mga pagkukulang sa pandemic response ng pamahalaan na di umano’y hadlang sa recovery ng bansa. Kris Jose