WHO sa China: Lahat ng COVID-related data, ilabas niyo na!

WHO sa China: Lahat ng COVID-related data, ilabas niyo na!

March 19, 2023 @ 3:10 PM 2 weeks ago


SWITZERLAND – Hinimok ng mga advisors ng World Health Organization nitong Sabado, Marso 18, ang China na ilabas na ang lahat ng mga impormasyon na may kaugnayan sa pinagmulan ng COVID-19.

Ito ay makaraang mailathala sa isang international database ang mga bagong findings kaugnay dito.

Inupload kasi sa database ng GISAID ang mga impormasyon kaugnay ng SARS-CoV-2 virus maging ang mga karagdagang genomic data batay sa mga sample na kinuha sa live animal market sa Wuhan, China noong 2020 kung kaya’t mas makikita na ng mga researchers sa ibang bansa ang mga datos na ito, saad sa pahayag ng Scientific Advisory Group for the Origins of Novel Pathogens (SAGO) ng WHO.

Sa mga bagong sequence, lumalabas na mayroong raccoon dogs sa naturang pamilihan na posibleng nahawaan din ng coronavirus na nagsisilbing ‘clue’ sa hawaan hanggang sa maipasa sa tao.

Ang access sa naturang impormasyon ay restricted “apparently to allow further data updates” ng Chinese Center for Disease Control and Prevention (CDC).

Ipinaliwanag naman ng mga opisyal ng WHO sa mga kasamahang Chinese ang naturang usapin at sinabing ang mga bagong datos ay layong gamitin sa pag-update ng kanilang preprint study mula 2022.

“These data do not provide a definitive answer to the question of how the pandemic began, but every piece of data is important in moving us closer to that answer,” sinabi ni WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus.

“These data could have – and should have – been shared three years ago.”

“We continue to call on China to be transparent in sharing data, and to conduct the necessary investigations and share the results,” pagpapatuloy niya.

Inatasan na ng WHO ang SAGO na ipagpatuloy ang pag-imbestiga sa pinagmulan ng pandemya na kumitil sa buhay ng pitong milyong katao sa buong mundo.

“(This is) newly analysed data and nothing new,” sinabi ni George Gao, professor sa Institute of Microbiology ng CDC.

“All this must be left for scientists to work on?NOT for journalists or public. We are eager to know the answer,” dagdag pa niya.

Matatandaan na ipinasara ang Huanan Seafood Wholesale Market sa Wuhan ng mga awtoridad sa China makaraang dito pinaniniwalaang nagsimula ang hawaan ng novel coronavirus sa pagtatapos ng 2019, at naging sentro rin ng mga pag-aaral ng mga eksperto.

Sa kabila nito, nilinaw ng WHO at iba pang mga eksperto na hindi pa rin nila inaalis ang posibilidad na nagsimula rin ang virus sa isang high-security laboratory sa Wuhan na nagsusuri ng mga peligrosong pathogens.

Itinanggi naman ng China ang pagkakaroon nito ng ganitong klase ng laboratory. RNT/JGC