Willie, may paramdam daw sa GMA?

Willie, may paramdam daw sa GMA?

February 21, 2023 @ 1:33 PM 1 month ago


Manila, Philippines – Hindi pa man nareresolba ang isyu kung mananatili pa rin o tatanggalin na ang Wowowin ni Willie Revillame sa AllTV ay may kumakalat na tsikang nagpaparamdam umano ang TV host sa GMA.

Ito ang pinaksa ni Cristy Fermin kasama ang kanyang mga co-hosts na sina Rommel Tsika at Wendell Alvarez sa online show na Showbiz Now Na.

May mga feelers daw ang kampo ni Willie na gusto nitong bumalik sa naturang istasyon para doon umereng muli ang kanyang programa.

Matatandaang February noong isang taon nang magpasya si Willie na hindi na pumirma ng renewal contract sa GMA dahil naka-oo na raw siya sa offer sa kanya ni dating senador na si Manny Villar.

Itinayo ni Villar ang AMBS o AllTV kung saan umere nang ilang buwan ang Wowowin hanggang pansamantala itong pahintuin.

Ayon naman kay Cristy, kung totoo man daw na nagpaparamdam si Willie sa GMA ay mahihirapan daw siyang makabalik o tanggapin.

Aniya, “May pinamilian na siya, eh. Mas pinili niya ang kabilang network kesa sa GMA na supposedly ay ire-renew ang kontrata niya nang isa o dalawang taon.”

Kinukuwestyon din ni Cristy ang pahayag ni Willie na wala siyang alam na kabilang ang Wowowin sa mga programang hindi muna eere.

Consistent kasi si Willie sa pagsasabing wala siyang abisong natatanggap mula sa pamunuan.

Bukod sa Wowowin, pansamantala ring hindi eere ang Toni ni Toni Gonzaga at M.O.M. nina Ruffa Gutierrez, Ciara Sotto at Mariel Rodriguez.

Imposible raw na hindi alam ni Willie ang mangyayari sa Wowowin kung ganoon na may mga pahatid siyang feelers sa GMA.

Pilit na inilalaban ni Willie ang kanyang programa dahil maraming kababayan natin ang natutulungan nito.

Samantala, tinuldukan na ng Showbiz Now Na ang isyung kinapalooban ni Willie at ang mga nakairingan nitong sina Ogie Diaz, Gab Valenciano at mismong si Cristy. Ronnie Carrasco III