Willie, napipisil daw na pumalit sa TVJ sa EB!

Willie, napipisil daw na pumalit sa TVJ sa EB!

March 4, 2023 @ 3:15 PM 3 weeks ago


Manila, Philippines – Nagsanga-sanga na ang balitang magkakaroon ng malaking pagbabago ang Eat Bulaga sa bagong pamamahala nito.

Ang longest running noontime show sa bansa ay prodyus ng TAPE, Inc.

Ang mga founders ng nasabing kumpanya ay sina dating Zamboanga del Norte Representative Romeo Jalosjos at Tony Tuviera.

Pero sinasabing mas malaki ang share ni Jalosjos kesa kay Tuviera na nais nitong sibakin.

Kapag nangyari ito, ipinauubaya na lang daw ni Jalosjos sa kanyang mga anak na sina Bullet, John at Soraya ang pagpapatakbo ng TAPE, Inc. damay siyempre ang Eat Bulaga.

At kapag natuloy ring matanggal sa puwesto si Tuviera ay kasama ring maaalis ang trio nina Tito at Vic Sotto at Joey de Leon.

May tsismis ding tagilid si Maine Mendoza dahil ang ipapalit ay ang anak na babae ni Jalosjos.

Dalawang bersyon naman ang kumalat nitong March 3, Biyernes kaugnay ng pagbabagong inaasahang magaganap sa Eat Bulaga.

Ang unang bersyon ay ang balitang ang ipapalit sa TVJ ay ang mga mas batang hosts ng EB na sina Jose Manalo, Wally Bayola at Allan K.

Mapapansing walang binabanggit na Paulo Ballesteros sa planong pagbabago o balasahan sa programa.

Ang ikalawang bersyon naman ay may kaugnayan kay Willie Revillame.

Si Kuya Wil daw ang nililigawan ni Jalosjos para ipalit sa TVJ.

Matatandaang ipinangtapat noong 2005 hanggang 2010 ng ABS-CBN ang Wowowèe ni Willie sa EB.

Marami ang nagtatanong kung nagkainteres daw ba si Jalosjos na kunin si Willie dahil hindi na naman umeere ang programa nito sa AllTV?

Pero nakalimutan daw ba ni Jalosjos na bagama’t hindi umeere ang Wowowin sa nasabing Villar-owned network ay existing pa ang kontrata ni Willie doon?

Nakakagulat nga ang mga tagasuporta ni Willie na hindi pa man kumpirmado na siya nga ang papalit sa TVJ ay nakaisip na agad sila ng bagong pamagat ng programa.

Bagay raw na gawing Wow Bulaga ang pamagat ng EB na pinaghalong Wowowin at Eat Bulaga.

Sinikap daw ng PEP na hingan ng reaksyon si Willie kaugnay ng balitang ito pero hindi pa raw sumasagot ang TV host.

Sa ngayon, nananatiling tahimik pa rin si Willie magmula nang sumbatan niya ang ilang personalidad na sina Cristy Fermin, Ogie Diaz at Gab Valenciano na pumupuna sa kanya sa kabila ng mga naitulong niya rito. Ronnie Carrasco III