Win: Arabic language, Islamic values education ituro sa BARMM

Win: Arabic language, Islamic values education ituro sa BARMM

December 19, 2022 @ 7:56 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sa gitna ng pagdiriwang ng World Arabic Language Day, isinusulong ni Senador Win Gatchalian na gawing institutionalized ang Arabic Language and Islamic Values Education o ALIVE sa lahat ng mga pampubliko at pribadong paaralan sa labas ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Inihain ni Gatchalian ngayong taon ang Senate Bill No. 382 o ang Arabic Language and Islamic Values Education Act upang bigyan ang mga mag-aaral na Muslim ng angkop na edukasyon habang kinikilala ang kanilang kultura. Tinitiyak at kinikilala din ng panukalang batas ang ambag ng mga Pilipinong Muslim bilang katuwang sa pagkamit ng mga layunin ng bansa.

Ayon kay Gatchalian, na siyang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, naaayon ang panukalang batas sa pagsusulong ng inclusive education upang tugunan ang iba’t ibang pangangailangan ng mga mag-aaral at tiyakin ang kanilang ganap na pakikilahok at pagkamit ng kahusayan nang naayon sa kanilang mga kultura at mga komunidad.

Sa ilalim ng panukalang batas, ang Arabic Language at Islamic Values Education ay ituturo sa mga mag-aaral na Muslim at hindi Muslim.

Titiyakin din ng panukala ang pagkakaroon ng sapat na textbook at instructional materials, pati na rin ang pagsasanay sa mga asatidz o mga guro sa mga komunidad ng mga Pilipinong Muslim. Isinusulong din ng panukalang batas ang pagbibigay ng technical assistance at tulong pinansyal sa mga DepEd-accredited madaris o mga pribado at community-based na mga paaralang nakatutok sa Islamic studies at Arabic literacy. Ang wikang gamit sa pagtuturo sa mga madaris ay Arabic language.

“Bilang pagkilala sa kultura at mga kontribusyon ng ating mga kababayan at mga mag-aaral na Muslim, isinusulong natin ang mas pinaigting na mga programa sa ilalim ng Arabic Language and Values Education. Bahagi rin ito ng ating pagsisikap upang matiyak na pagdating sa dekalidad na edukasyon, hindi mapag-iiwanan ang ating mga mag-aaral na Muslim,” ani Gatchalian.

Maliban sa mga pampublikong paaralan at mga pribadong madaris, saklaw din ng panukalang batas ang mga mag-aaral ng Alternative Learning System o ALS. Ernie Reyes