Win: Maging agresibo vs manlolokong seller sa social media 

Win: Maging agresibo vs manlolokong seller sa social media 

October 17, 2020 @ 4:11 PM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Nagbigay ng babala si Senador Win Gatchalian sa mamamayan laban sa mga produktong nabibili sa online na may mapanganib na kemikal kaya’t hinikayat nito ang lahat ng social media platform na maging agresibo laban sa manlolokong seller.

Sa pahayag ay sinabi ni Gatchalian na kamakailan lamang, natuklasan ng EcoWaste Coalition na hayagang itinitinda ng ilang third party dealers ang mercury thermometer at sphygmomanometers na may mapanganib na kemikal.

Ayon kay Gatchalian, kaagad nilang ipinagbigay-alam ang kanilang natuklasan sa Food and Drug Administration (FDA) at Environmental Management Bureau (EMB) na nasa ilalim ng Department of Environment and Natural resources (DENR).

Ang mercury thermometers ay ginagamit sa pagkuha ng temperatura ng tao habang ang  sphygmomanometers ay ginagamit naman sa pagkuha ng blood pressure.

Simula noong Setyembre ng 2010 ay tinnaggal na sa merkado ang mga medical device na may mercury kasunod ng isang administrative order galing sa Department of Health (DOH).

“Bahagi na ng buhay natin ngayon ang online shopping. At habang patuloy na lumalago ang mga ganitong klaseng transaksyon ay naglipana naman ang mga mapaglinlang na online sellers. Hindi tama na hayaan na lang natin silang makapanloko dahil sa kawalan ng mekanismo para mapanagot sila sa iligal na gawain,” ayon kay Gatchalian, na siyang pangunahing may-akda ng panukalang batas na Internet Transactions Act.

Ang Internet Transactions Act o Senate Bill No. (SBN) 1591 ay naglalayong gawing mas madali ang online transactions sa bansa at pausbungin ang tinatawag na digital economy.

Ayon pa sa naturang panukala, kailangang higpitan pa ang regulasyon para mapangalagaan ang interes ng mamimili laban sa mga iligal na pamamaraan ng pagnenegosyo sa online.

Sabi pa ni Gatchalian, may probisyon din sa SBN 1591 na pananagutin ang dalawang panig – ang online platform at online merchant o seller na nagsusuplay ng produkto sa online platform – sakaling ang nabentang produkto ay inireklamo lalo na kung ito’y nakakasama sa kalusugan ng mamimili at hindi rehistrado sa gobyerno.

“Hindi natin dapat hinahayaan sa mga e-commerce marketplace ang mga iligal na gawain at mga transaksyon ng ilan na ang habol lamang ay kumita nang malaki kahit na alam nilang hindi sila naging matapat sa mga mamimili. Sa bahagi naman ng mga mamimili, alamin ang karapatan sa pamimili sa online at maging mapanuri para hindi maloko,” sabi ni Gatchalian. Ernie Reyes


  •  
  •  
  •  

Loading...