Work-from-home sa Hunyo 28-29 ikakasa ng Comelec

Work-from-home sa Hunyo 28-29 ikakasa ng Comelec

June 27, 2022 @ 6:52 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Magpapatupad na rin ng work from home schedule ang Commission on Elections Main Office, opisina ng Regional Election Director for National Capital Region 4A at Region 4B gayundin sa Office of the Election Officer, City of Manila sa Hunyo 28 at 29, araw ng Martes at Miyerkules.

Sa abiso ng Comelec, ito ay dahil na rin sa mga isasarang mga kalsada at heightened security measures na paiiralin ng Philippine National Police (PNP) sa lungsod ng Maynila simula Hunyo 27 upang bigyan daan ang isasagawang inagurasyon ni President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Ang trabaho sa nabanggit na mga opisina ay suspindido rin sa June 30 alinsunod na rin sa nilagdaan ni outgoing Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na Executive Order No.53 (series of 2022) na nagdedeklara na ang nasabing petsa ay special non-working holiday sa buong Maynila.

Habang suspindido ang physical frontline services sa nasabing mga opisina mula Hunyo 27 hanggang 30, tiniyak naman ng Comelec sa publiko ang patuloy na paghahatid ng serbisyo, sa pamamagitan ng online meetings, online hearings gayundin ang online transactions at iba pang online works ay maipagpatuloy sa nasabing mga petsa ng walang hadlang. Jocelyn Tabangcura-Domenden