Work-from-home set-up muling itinulak ni Gatchalian para iwas traffic

Work-from-home set-up muling itinulak ni Gatchalian para iwas traffic

September 17, 2022 @ 10:15 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Upang maibsan ang lumalalang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa Metro Manila, muling isinulong ni Senador Win Gatchalian ang work-from-home (WFH) set-up.

Matatandaang naglabas ng pananaliksik ang insurance technology site na GoShorty na nagsasabing ang mga Pilipino ay inaabot ng humigit-kumulang 98 oras o higit sa 4 na araw na naiipit sa traffic sa Metro Manila kada taon.

Ang panukalang work-from-home, kung ipapatupad ng ilang mga kumpanya, ay magiging bahagi ng solusyon sa walang katapusang traffic congestion.

Sinabi ni Gatchalian na para hikayatin ang mga kumpanya na magpatupad ng work-from-home arrangement o telecommuting, dapat magbigay ang gobyerno ng tax incentives para sa mga magpapatupad ng naturang programa.

“Nais naming bigyan ng insentibo ang mga magpapatupad ng programang ito dahil sa malaking benepisyong dulot nito sa ating mga kababayan,” ayon kay Gatchalian.

Sa ilalim ng inihain ng senador na Senate Bill 1149, ang mga empleyadong naka-work-from-home ay mababawasan ng P25 kada oras ng trabaho sa kanilang taxable income. Bukod dito, ang mga allowance o benefits na binibigay ng mga employer sa kanilang mga empleyado na hindi lalagpas sa P2,000 kada buwan bilang panggastos sa mga kinakailangan para sa isang WFH setup ay ituturing na non-taxable benefit.

“Ang work-from-home revolution na pinabilis ng pandemya ay maraming pakinabang hindi lamang sa mga manggagawa. Maiibsan din nito ang pagsisikip ng daloy ng mga sasakyan lalo na’t balik na ang in-person classes at maraming negosyo na ngayon ang tumatakbo,” ayon sa senador.

Ipinunto din ni Gatchalian na makakatulong din ang remote working arrangements na mabawasan ang arawang gastos sa gasolina at gawing mas produktibo ang mga empleyado na pinatunayan na ng iba’t ibang pag-aaral.

“Ang remote working arrangement ay nagpapalawak ng work-life balance ng ating mga empleyado. Bukod sa nagpapataas ito ng productivity at mas nagiging competitive ang mga kompanyang nagpapatupad nito, nakakatulong pa itong mapabuti ang kalusugan ng ating mga kababayan,” sambit pa ng senador. Ernie Reyes