World Beach volleyball tourney gagawin sa Subic

World Beach volleyball tourney gagawin sa Subic

November 21, 2022 @ 1:48 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines  – Makatutunghay na naman ang mga Filipino at international volleyball fans ng isa na namang de-kalibreng torneo sa pagdaraos ng Volleyball World Beach Pro Tour Futures sa Subic Bay sand court sa Zambales sa Disyembre 9 hanggang 11.

Tampok ang 24 koponan sa mundo sa men’s at women’s division sa Futures, ang ikatlong antas ng torneo sa pro tour, pagkatapos ng Elite 16 at Challenge.

Kakatawanin ang Pilipinas ng pares nina Jude Garcia at Anthony Lemuel Jr., Alnakran Abdilla at Jaron Requinton, at James Buytrago at Pol Gringo Salvador sa men’s side.

Pasok sa distaff division ang mga tandem nina Floremel Rodriguez-Genesa Jane Eslapor, Cherry Ann Rondina-Jovelyn Gonzaga, at Grydelle Joanice Matibag at Khylem Hari Progella.

Sinabi ni Philippine National Volleyball Federation (PNVF) na nasa 16-team main draw ang Pilipinas kasama ang dalawang koponan mula sa Japan, Thailand, Singapore, Lithuania, Israel at Italy.

Paglalabanan ang apat na natitirang slot sa main draw ng 14 na koponan sa men’s division (apat mula sa Czech Republic, tatlo mula sa Japan, tig-dalawa mula sa Thailand at Australia, New Zealand, Austria at Israel) at 13 koponan sa women’s side. (pito mula sa Japan, dalawa mula sa South Korea, Czech Republic, Singapore, Canada at France).

Gaganapin ang qualification round sa Disyembre 8.

Ang format ng torneo ay ang binagong paglalaro sa pool, na susundan ng mga solong elimination round.

Ikatlong pangunahing internasyonal na kaganapan ang World Pro Beach Tour na inorganisa ng PNVF pagkatapos ng mga paligsahan sa kalalakihan at kababaihan ng Volleyball Nations League noong Hunyo at ng Asian Volleyball Confederation Women’s Cup noong Agosto.

Isa pang Futures tournament ang lalaruin sa The Hague, Netherlands sa Nob. 27 hanggang 30.

Magtatapos ang Beach Pro Tour season sa isang finals na nagtatampok ng 10 pinakamahusay na koponan sa mundo sa Enero 26 hanggang 29 sa Doha, Qatar.JC