World class QC Jail itinurn-over na sa BJMP

World class QC Jail itinurn-over na sa BJMP

March 29, 2022 @ 3:30 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Pormal nang isinalin ng Quezon City Local Government Unit (LGU) sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang pamamahala sa kauna-unahang “world class” na Quezon City Jail kaninang umaga.

Sa ginawang ceremonial turnover, mismong si Quezon City Mayor Joy Belmonte ang siyang pangunahing pangdangal sa okasyon.

Isinalin ni Belmonte ang symbolic golden key kay Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Chief Director Allan Iral na sinaksihan nina BJMP-National Capital Regional Office Jail Chief Supt. Luisito Muňoz at QC Jail Warden Jail Supt. Michelle Ng Bonto.

Bagama’t naisalin na sa BJMP ang pinakaunahang world class city jail sa bansa, sa susunod na taon pa maaring magagamit o ilipat ang mga Person Deprived of Liberty mula sa lumang QC Jail na nasa Barangay Kamuning, Quezon City dahil sa hindi pa natapos ang mga perimeter wall ng piitan sanhi ng kakapusan ng pondo kung saan aabot sa 139M ang budget para sa bakod ng kulungan.

Sa talumpati ni Belmonte, ipinangako niyang sasagutin na ng pamahalaang lungsod ang para sa pagpapagawa ng perimeter walls para agaran nang mailipat ang mga PDL’s.

Sinabi naman n Iral na ang bagong city jail ay kasagutan sa matagal nang problema sa sobrang kasikipan ng lumang QC jail kung saan umaabot sa 3,500 ang kasalukuyan nakakulong habang ang kulungan ay nakadesenyon para lamang sa 800 na mga inmates.

Nagsimulang tumaas ang bilang ng inmates sa piitan noong magdeklara ng giyera si Pangulong Rodrigo Duterte laban sa illegal na droga.

Ayon kay Iral, ang lupang kinatatayuan ng bagong city jail na may sukat na 2.5 ektarya ay ibinigay ng QC local government unit (LGU) sa ilalim ni dating QC Mayor Sonny Belmonte habang ginanap naman ang ground breaking may apat na taon nang nakalilipas sa pangunguna naman ni dating QC mayor Herbert M Bautista.

Ang tatlong malalaking gusali ng bagong city jail na may taas na 5 palapag ay nagkakahalaga ng P1,397,103,730.56 at sa nasabing pondo hindi nakasama dito ang pagpapagawa sa perimeter wall.

Sinabi ni Iral, ang tatlong gusali ay mayroong 440 selda na may sukat na 47 sqm.

“Maibsan na ang problema sa congestion. Each cell is provided with adequate water, entry of light and air’s per the standard requirement of the International Committee of the Red Cross (ICRC). Sampung (10) na inmates lang ang ilalagay sa bawat selda,” pahayag ni Iral.

Samantala, ayon naman kay Bonto, ang bagong city jail ay maaring makakapag-okupa ng 4,400 hamggang 6,000 na mga PDLs kung saan aabot sa 20,880 sqm ang kabuuang bilang ng selda.

Nag-umpisa ang construction ng QCJ facility noong 2018. Jan Sinocruz