World record sa pinakamalaking mass wedding target ng Bacolod

World record sa pinakamalaking mass wedding target ng Bacolod

March 1, 2023 @ 5:59 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Target ng Bacolod City na makapasok sa Guiness World Record para sa may pinakamaraming ikinasal sa pamamagitan ng isang single-venue mass wedding.

Hanggang nitong Miyerkules, Marso 1, nasa 2,052 magsing-irog na ang nagparehistro sa Local Civil Registry Office upang magpakasal sa mass wedding na sa ngayon ay isinasapinal pa ang petsa at lugar.

Kinumpirma ni Mayor Alfredo Abelardo Benitez, na dadaluhan ito ni First Lady Araneta Liza Araneta-Marcos, kung saan sinabihan umano siya na posibleng record-setting para sa Bacolod ang dami ng mga magpapakasal.

“I asked the Guinness (Book of) World Records if we could qualify. There’s none yet in just one venue. They have (a record) for multiple venues of mass wedding but (this number) in a single venue, there’s no record yet,” ani Benitez.

Inimbitahan na rin niya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para saksihan ang seremonya ngunit hindi pa ito nakakatanggap ng tugon mula sa Palasyo.

Dalawang beses nang nakansela ang petsa ng naturang mass wedding, na ang una sana ay noong Pebrero 14 na kalaunan ay naurong ng Marso 3, at inanunsyo ng lungsod na hindi ulit ito matutuloy sa nasabing petsa.

Layon ng “Officially You and Me sa ’23 with Mayor Albee,” mass wedding, na makakuha ng 2,023 couples na sabay-sabay ikakasal.

Ani Benitez, sa kasalukuyan ay naghahanap pa ang mga organizer ng angkop na venue para matugunan ang napakaraming bilang ng mga ikakasal at mga pamilya nito.

“It is not a joke to have 2,023 couples. We are looking at not less than 16,000 attendees. It cannot be done without preparations. I told them to be very detailed,” ayon sa alkalde. RNT/JGC